top of page

Sobrang trabaho at mababang kita, pahirap sa Pilipino

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 10 hours ago
  • 3 min read

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | February 27, 2026



Asintado ni Judith Sto. Domingo


Kumusta ang inyong linggo mga giliw na tagasubaybay ng ating espasyo? Patapos na naman ang maalab na Pebrero at nakadungaw na ang buwan ng Marso. 


Para sa ating mga kababayang hindi pa nakahahanap o wala pang trabaho at nawalan ng trabaho, lilipas na naman ang isang buwang puno ng utang na nadagdagan pa. Para naman sa mayroong trabaho ngunit kapos ang suweldo, naiutang na ang susuwelduhin sa darating na buwan o mga buwan.


Para naman sa mga iilan na mayroong sapat na suweldo, napagkakasya naman ito ngunit walang natira o naimpok man lang ni isang kusing. At para naman sa kakaunting mga may kalakihan ang sinusuweldo, umangat naman ang paraan ng kanilang pamumuhay o may biglang malakihang gastusin sa pamilya, kung kaya't kakaunti na rin lamang kung hindi wala nang naisubi para sa mga hindi batid na hamon sa hinaharap. 


Dahil rito, marami-rami na rin tayong mga kababayang baon na sa pagkakautang sa mga credit card o iba pang nagpapautang. Interes na lamang ang kanilang nababayaran buwan-buwan kaya't kakakarampot ang nababawas sa kanilang prinsipal na inutang. 

‘Yan mga kababayan, ang buhay ng maraming abang Pilipino sa iba't ibang sulok ng bansa. Sila ay pawang naghahangad na bumuti ang buhay sa Pilipinas ngunit sa kanilang pananaw ay tila pangingibang-bayan na lamang ang madaliang solusyon upang makaahon nang mas mabilis sa kumunoy ng kawalan ng pag-asa at oportunidad. 


Ang mabigat pa, bukod sa hindi sumasapat na kita sa hanapbuhay o propesyon,

sumasakit na ang batok ng ating mga abang kababayang hanggang leeg ang kailangang tapusing mga gawain sa pinapasukang trabaho. Kulang ang walong oras at kailangang madalas na mag-overtime para lamang mairaos ang bawat araw at magampanan ang lahat ng tungkulin. Sobra-sobra na ang bigat ng trabahong dala-dala at marami ang sukong-suko na, ngunit hindi basta makabitiw sa pinagmumulan ng pinagkakakitaan, sapagkat mahirap maghanap ng bagong trabaho at maproseso rin bukod sa madalang pa na tila patak ng ulan sa tagtuyot. 


Sa panahon ngayon ng digital at social media, lalong dumami ang trabaho sa opisina dahil kailangang maging alerto sa mga potensiyal na krisis o nauwi sa krisis na mga isyu, sapagkat nakapagbibigay na ng kani-kanilang saloobin ang ordinaryong mamamayan na walang pinipiling oras or araw. 


Hindi lamang ‘yan, marami rin sa ating mga kababayan ang may hinaing na sinusulit ng kani-kanilang amo o direct superior sa pagtatrabaho. Hindi lang sinusulit sa ipinapasuweldo sa kanila, kundi binabawian pa ng higit sa nararapat. Nasaan ang pagbabalanse sa trabaho at buhay o "work-life balance"?


Sa mga bansang tulad ng Australia na ating balak puntahan ilang buwan mula ngayon, iginagalang ang work-life balance—hindi tulad dito sa Pilipinas. 


Masuwerte na ang mga nasa ilang sangay ng gobyerno o pribadong sektor na apat na araw lamang ang pasok sa isang linggo o naka-work-from-home set-up, na hindi diretsong kaulayaw ng taumbayan o masang kailangan ng agarang tulong. 


Mayroon din namang mga tambak ang trabahong frontliners sa pamahalaan na gustung-gusto na ring magbitiw sa trabaho kaysa panawan ng ulirat, magkasakit o bawian ng buhay kalaunan. Kulang na kulang sila sa tulog, silang mabibilang na totoo at nagmamalasakit sa taumbayan.


Panahon na para mabuyangyang at maiwasto ang sobra-sobrang pagtatambak ng trabaho sa ating mga naninilbihang kababayan sa iba't ibang sektor ng lipunan. Nadinig natin ang mga hinaing ng mga empleyadong kahit bumabagyo at bumabaha na ay hindi pinapayagang lumiban sa pinapasukan ng basta-basta. 


Isang paninikil, hindi lamang ng buhay, kundi ng dignidad ang pagmamalabis na ipinapataw sa mga manggagawa. Panawagan sa Department of Labor and Employment at Civil Service Commission, upang mabusising tingnan  i-motu propio ang bawat sektor at sangay upang malantad at maitama ang anumang pagmamalabis at hagupit sa kuba nang likod ng marami nating kababayan.


Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page