Klase sa ligtas na paaralan, ituloy, sa delikadong lugar, suspendihin!

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | November 5, 2026

Lumabas kamakailan ang Executive Order No. 130 na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kung saan nakasaad ang mga pamantayan sa pagsuspinde ng klase at mga aktibidad sa mga paaralan. Sa ilalim ng naturang executive order, ang pagsuspinde ng klase ay gagawing mas akma sa aktuwal na sitwasyon ng mga paaralan at mga komunidad.
Napapanahon din ang paglabas ng mga pamantayang ito, lalo na’t pinaghahandaan natin ang maaaring maging pinsala ng El Niño, kabilang ang pagsuspinde ng mga klase dahil sa matinding init.
Matatandaang naglabas din ang Department of Education (DepEd) ng mga protocol nito sa pagsuspinde ng klase bilang pagtugon sa El Niño. Sa ilalim ng pamantayan ng DepEd, titigil ang parehong face-to-face classes at home-based learning activities kapag umabot ng 42°C o higit pa ang heat index.
Nitong mga nagdaang buwan, hinimok natin ang pamahalaan na gawing mas localized at granular ang mga suspensyon sa klase imbes na magpatupad ng mga malawakang class suspensions.
Sa madaling salita, nais nating limitahan ang suspensyon ng mga klase sa mga komunidad at paaralan kung saan pinakamalaki ang panganib, at hayaang magpatuloy ito sa mga lugar na maituturing na ligtas. Sa ganitong paraan, maiiwasan natin ang paglala ng learning loss o ang pag-urong ng kaalaman.
Lumabas sa mga pag-aaral na sa bawat araw na nawawala sa ating mga mag-aaral dahil sa suspensyon ng klase, nawawala din ang mga pagkakataon o oportunidad upang umangat ang kanilang kakayahan, lalo na sa pagbasa.
Ayon sa isang policy note ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II), humigit-kumulang 20 araw ng klase ang nawala sa isang pangkaraniwang public elementary school noong School Year 2025-2026. Dahil ito sa pagsuspinde ng klase dulot ng iba’t ibang mga panganib, kasama ang sama ng panahon.
Dagdag pa ng Komisyon, katumbas ng humigit-kumulang 1.4 araw para sa pag-angat ng kakayahang bumasa ang nawala sa mga mag-aaral sa bawat isang araw na suspendido ang klase. Kaya naman suportado natin ang hakbang ng pamahalaan na pahintulutan ang ating mga paaralan at local government units (LGUs) na magpatupad ng mas localized at granular ang suspensyon at pagpapatuloy ng klase.
Sa mga susunod na buwan, mahalagang tiyakin natin ang maigting na ugnayan sa pagitan ng mga LGU at mga paaralan upang tiyaking maipapatupad ang mga nakasaad na pamantayan sa bagong labas na executive order.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com





Comments