Pag-aresto nang walang warrant

ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | November 5, 2026

Dear Chief Acosta,
Inaresto ng mga pulis ang kuya ko nang walang warrant of arrest na maipakita. Tama po ba iyon? — Magdalena
Dear Magdalena,
Nakasaad sa ating Saligang Batas na walang pag-aresto na maaaring gawin nang walang wastong warrant of arrest mula sa huwes. Nakasaad sa Seksyon 2 ng Artikulo III ng Saligang Batas ng 1987, ang sumusunod:
“SECTION 2. The right of the people to be secure in their persons, houses, papers, and effects against unreasonable searches and seizures of whatever nature and for any purpose shall be inviolable, and no search warrant or warrant of arrest shall issue except upon probable cause to be determined personally by the judge after examination under oath or affirmation of the complainant and the witnesses he may produce, and particularly describing the place to be searched and the persons or things to be seized.”
Gayunpaman, ang naturang garantiya ay may mga pasubali. Mayroong mga pagkakataon na maaaring maisagawa ang pag-aresto kahit walang warrant of arrest. Ayon sa Revised Rules of Criminal Procedure, maaaring mang-aresto ang isang pulis o kahit sinong pribadong tao kahit walang warrant sa mga sumusunod na pagkakataon: a) kapag, sa kanyang harapan, ang taong aarestuhin ay nakagawa, kasalukuyang gumagawa, o nagtatangkang gumawa ng krimen; b) ang krimen ay kagaganap lamang at siya ay may sapat na batayan upang maniwala, batay sa kanyang personal na kaalaman sa mga katotohanan o mga pangyayari na ang taong aarestuhin ay ang gumawa nito; at c) ang taong aarestuhin ay tumakas sa kulungan. (Section 5, Rule 113)
Kaugnay nito, pinasiyahan ng ating Korte Suprema, sa kasong People of the Philippines vs. Jamal Rangaig y Ampuan, et al., G.R. No. 240447, April 28 2021, sa panulat ni Honorable Senior Associate Justice Mario Victor F. Leonen, ang mga sumusunod:
“This constitutional provision prevents violations of privacy and security in person and property, and protects against ‘unlawful invasion of the sanctity of the home, by officers of the law acting under legislative or judicial sanction, and to give remedy against such usurpations when attempted.’ Thus, in conducting an arrest or search and seizure, there must be a warrant hinged on probable cause or the ‘actual belief or reasonable grounds of suspicion to believe that the accused has committed, or is committing a crime.’ The suspicion must be ‘supported by circumstances sufficiently strong in themselves to warrant a cautious man to believe that the person accused is guilty of the offense with which he is charged.’ Any evidence resulting from a violation of a person’s right against unreasonable searches and seizures will be deemed inadmissible in court.”
Sang-ayon dito, sa pagsasagawa ng pag-aresto, kailangang mayroong warrant na naaayon sa sapat na batayan o ang aktwal na paniniwala na ang isang akusado ay nakagawa o gumagawa ng krimen. Ang hinala ay dapat suportado ng mga sapat na pangyayari na magbibigay ng katwiran sa isang maingat na tao upang maniwala na inaakusahan ay nakagawa ng krimen. Kung ang pag-aresto sa isang tao nang walang sapat na warrant ay hindi kabilang sa mga naturang pagkakataon, anumang ebidensya na nakuha mula rito ay hindi maaaring magamit sa korte.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.





Comments