Shulchenko dumalawa na sa podium ng Tour of Luzon
- BULGAR

- May 6
- 2 min read
ni Elyssa Nichole @Sports | May 6, 2026

Photo: Ang Stage 7 Individual Time Trial Podium Winners na sina 1. #123 Shulchenko, Nikita (LCW) 00:30:06 (gitna) 2. #126 Alrefai, Yousef Ibrahiem (LCW) (kaliwa) at 3. #91, MIN, Kyeong Ho (SCT) sa 22.9 km Pagudpud Municipal Hall-to-Bangui, Pagudpud, Ilocos Norte sa idinaraos na MPTC Tour of Luzon 2026 na inihatid ng Philippine Sports Commission kaagapay ang Philippine Olympic Committee at PhilCycling. (mptctolpix)
Pagudpud, Ilocos Norte - Umalagwa sa overall si Russian rider Nikita Shulchenko ng LCW UAE Cycling Team matapos sikwatin ang panalo sa Individual Time Trial Stage 7 ng MPTC Tour of Luzon kahapon.
Inirehistro ni Shulchenko ang 30 minuto at anim na segundo sa 22.9-kilometer lap sa event na suportado ng Metro Pacific Tollways Corp., Manny V. Pangilinan Group of Companies at Philippine Sports Commission, (PSC) sa pamumuno ni chairman Patrick "Pato" Gregorio.
Second best time naman ang naitala ng teammate ni Shulchenko na si Ibrahiem Yousef Alrefai, 49 segundo ang lamang ng una sa pangalawa, tumersero si Seoul Cycling Team bet at Stage 6 winner Kyeong Ho Min.
Pangalawang podium finish na ni Shulchenko, una ay noong pumangalawa siya kay Stage 1 ruler Alrefai.
Lalong lumaki ang lamang ni Shulchenko sa second placer na si Alrefai sa Individual General Classification matapos makalikom ng 19 oras, 31 minuto at 20 segundo, nakaungos ito ng isang minuto at 38 segundo.
Nagkaroon ng pagbabago sa pangatlong puwesto sa IGC matapos umakyat ni Pinoy rider Mervin Barnachea Corpuz ng 7-Eleven Cliqq Roadbike Philippines pero medyo malaki ang hahabulin na oras kay Shulchenko kaya kailangan nitong maka-umento sa mga susunod na laps.
Naka-puwesto naman sa pang-apat si Ronnilan Quita ng 7Eleven Cliqq Roadbike Philippines habang pang-lima si British cyclist Tyler Hannay ng local team Excellent Noodles.
Ang dating nasa tersero puwesto na si Emmanuel Dave Montemayor ng Go for Gold ay nalaglag sa pang 11th place.
Samantala, nanatili sa unahan ng Team General Classification ang Go for Gold sa nalikom na 77 oras, 13 minuto at 38 segundo, nasa pangalawa ang Standard Insurance Philippines at pangatlo ang 7Eleven Cliqq Roadbike Philippines.





Comments