- BULGAR
- Dec 16, 2025
ni Anthony E. Servinio @Sports | December 16, 2025

Photo: Silver medalist sina Artjoy Torregosa at Arlan Arbois sa 33rd SEAGames Thailand marathon. (fbpix)
Kumulekta ang Pilipinas ng tatlong medalya mula sa 2025 SEA Games Marathon Linggo ng gabi sa Happy & Healthy Bike Lane. Pilak sina Arlan Arbois Jr. at Artjoy Torregosa habang tanso si Richard Salano sa gitna ng dobleng ginto ng Indonesia.
Sa halip sa karaniwang umaga sa Pilipinas ay bago lumubog ang araw ginanap ang 42.195 kilometrong karera sa Bangkok. Kampeon si Robi Syianturi sa 2:27:33 at nanatili sa Indonesia ang ginto matapos ni Agus Prayogo noong 2023.
Naglabanan para sa pilak ang mga magkakampi at sa huli nanaig si Arbois sa 2:30:19. Sumunod si Salano sa 2:31:29. Bumida agad si Torregosa sa kanyang unang SEA Games. Subalit wagi muli si 2021 kampeon Odekta Elvina Naibaho sa 2:43:13 kumpara kay Torregosa na 2:48:00 at tanso Bui Thin Thu Ha ng Vietnam na 2:54:40.
Hindi nag-medalya ang pang-apat na atleta Christine Hallasgo. Ginto siya noong 2019, pilak noong 2021 at tanso noong 2023.
Dalawa pa lang ang Athletics ginto ng Pilipinas kay John Cabang sa 110M Hurdles at Hokett delos Santos sa Decathlon. Pilak si Yacine Guermali sa 5,000M at tanso sina Sonny Wagdos sa parehong 5,000M, Leonard Grospe (High Jump), William Morrison III (Shot Put), Zion Rose Nelson (200M), Jeralyn Rodriguez (400M), Susan Ramadan (1,500M), Joida Gagnao (5,000M), Bhianca Espenilla (Javelin) at ang kombinasyon nina Bernalyn Bejoy, Alhryan Labita, Alfred Talplacido at Angel Watson sa 4X400M Mixed Relay.






