top of page
Search
  • BULGAR

Service Incentive Leave ng empleyado

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Enero 28, 2023


Dear Chief Acosta,


Nagsimula akong magtrabaho noong Disyembre ng nakaraang taon. Gusto kong lumiban sa trabaho dahil sa problema sa aking pamilya. Gayunman, kapag hindi ako pumasok sa trabaho ay wala akong suweldo. Ang aking mga katrabaho na taon na sa serbisyo ay maaaring lumiban sa trabaho nang limang araw na may suweldo.


Ganundin ang hiningi ko sa amo ko, pero hindi siya pumayag dahil hindi pa diumano ako kuwalipikado para rito. Tama ba ang amo ko base sa batas? -Isidro


Dear Isidro,


Nakasaad sa Artikulo 95 (a), Kabanata III, ng Labor Code of the Philippines na ang isang empleyado ay may karapatan para sa Service Incentive Leave:


“Article 95. Right to Service Incentive Leave – (a) Every employee who has rendered at least one year of service shall be entitled to a yearly service incentive leave of five days with pay.”


Sa pangkalahatan, ang bawat empleyado na nagbigay ng hindi bababa sa isang taon na serbisyo ay may karapatan sa taunang Service Incentive Leave na limang araw na may bayad.


Batay sa iyong salaysay, nagsimula ka lamang magtrabaho para sa iyong amo noong Disyembre ng nakaraang taon. Samakatuwid, batay sa nabanggit na batas, tama ang iyong amo na wala ka pang Service Incentive Leave dahil hindi ka pa nakapagbibigay ng isang taon ng serbisyo. Kung itutuloy mo ang iyong planong lumiban sa trabaho, magiging leave without pay ito.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.


0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page