Serbisyong pangkalusugan, ‘di dapat mailap sa mahihirap
- BULGAR

- 3 hours ago
- 2 min read
ni Leonida Sison @Boses | July 29, 2026

Malaking ginhawa para sa mga pamilyang may anak na may developmental disabilities ang pagpapalawak ng tulong medikal ng pamahalaan. Sa panahon na mataas ang halaga ng konsultasyon at therapy, ang bawat dagdag na benepisyo ay hindi lamang nakababawas sa gastusin kundi nagbibigay rin ng mas malaking pag-asa na tuluy-tuloy na matutugunan ang pangangailangan ng mga batang nangangailangan ng espesyal na pangangalaga.
Sa kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA), inanunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na dodoblehin ng PhilHealth ang benefit package para sa mga batang may developmental disabilities. Bukod dito, itataas din mula 90 hanggang 150 ang bilang ng therapy sessions na sasagutin ng PhilHealth upang mas maraming bata ang makapagpatuloy sa kinakailangang gamutan at rehabilitasyon.
Hindi lamang ito ang hakbang na inilatag ng administrasyon. Ayon sa Pangulo, magbibigay rin ng karagdagang suportang pinansyal ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pamamagitan ng Project Aruga, na layong higit pang matulungan ang mga benepisyaryo sa kanilang gastusing pangkalusugan at pangangalaga sa kanilang mga anak.
Ipinagmalaki rin ni Marcos na lumaki ang bilang ng mga pamilyang nakikinabang sa mga programa ng PhilHealth, mula sa mahigit limang milyong pamilya noong 2022 hanggang higit 7.5 milyon sa kasalukuyan. Aniya, naging posible ito dahil sa pinaigting na kampanya sa pagpaparehistro, mas maayos na proseso ng enrollment at mas mabilis na pagbabayad sa mga ospital at healthcare providers.
Binigyang-diin din ng Pangulo ang patuloy na pagpapalawak ng serbisyong medikal para sa mahihirap. Ayon sa kanya, halos tatlong milyong indibidwal na ang nakinabang sa Zero-Balance Billing Program sa mga ospital ng Department of Health (DOH), habang mahigit walong milyong pasyente naman ang natulungan ng Medical Assistance for Indigent and Financially Incapacitated Patients (MAIFIP).
Kasabay nito, inanunsyo rin ang digitalisasyon ng MAIFIP sa pamamagitan ng e-MAIFIP, na maaari nang ma-access sa mga DOH hospital at sa eGovPH app. Dahil dito, dalawang requirements na lamang ang kailangan at hindi na hihingi ng guarantee letter mula sa mga pulitiko. Layunin ng hakbang na gawing mas mabilis, mas simple at mas patas ang pagkuha ng medical assistance para sa milyun-milyong Pilipino. Target din ng pamahalaan na maabot ang higit 56 milyong gumagamit ng eGovPH app. Inihayag din ng Pangulo ang plano sa pagtatayo ng isang Virology and Vaccine Institute upang higit pang mapalakas ang kakayahan ng bansa sa pananaliksik at pagtugon sa mga sakit.
Ang mga programang ito ay nagpapakita ng layuning gawing mas abot-kaya at mas madaling makuha ang serbisyong pangkalusugan. Gayunman, nasusukat ang tagumpay sa kung paano magiging mabilis, tuluy-tuloy at pantay ang pagpapatupad ng mga ito sa bawat komunidad. Kapag ang tulong ay madaling maabot nang walang pabor, mahabang pila o komplikadong proseso, mas mararamdaman ng taumbayan na ang serbisyong pangkalusugan ay tunay na para sa lahat, lalo na sa mga pamilyang higit na nangangailangan.

%20-%20JAMES%2C%20NAWALAN%20NG%20P150%20M%20DAHIL%20SA%20TIWALA%20SA%20KASOSYO%20SA%20NEGOSYO-IG%20_.jpg)



Comments