top of page
WINNER - KIM, KINASUHAN NA ANG ATE LAKAM NG QUALIFIED THEFTIG _chinitaprincess.jpg

Serbisyong pangkalusugan, dapat umabot sa pinakamalayong komunidad

Writer: BULGAR
BULGAR
Jul 26
2 min read

ni Leonida Sison @Boses | July 26, 2026



Boses column ni Leonida Sison


Malaking tulong sa bawat Pilipino ang pagkakaroon ng mabilis at maaasahang serbisyong medikal, lalo na sa oras ng emergency. Hindi lahat ng pamilya ay may kakayahang magbayad ng pribadong ambulansya o agad na makapunta sa ospital.


Kaya ang pagkakaroon ng sapat na patient transport vehicles sa bawat lokal na pamahalaan ay hindi lamang dagdag na kagamitan kundi konkretong paglapit ng serbisyong pangkalusugan sa mga komunidad.


Inanunsyo ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na nakumpleto na ng pamahalaan ang pamamahagi ng Patient Transport Vehicles (PTVs) sa lahat ng 82 lalawigan sa bansa. Sa pamamagitan ng pinakahuling distribusyon ng 34 na yunit sa Northern at Central Luzon, mayroon nang magagamit na PTV ang bawat lalawigan, lungsod at munisipalidad upang maghatid ng mga pasyente papunta at pabalik sa mga pagamutan nang libre sa oras ng pangangailangan.


Kasama ng First Lady Liza Araneta-Marcos, pinangunahan ng Pangulo ang turnover ng mga bagong sasakyan sa San Fernando, Pampanga. Sa kabuuang 34 na yunit, 14 ang napunta sa Region III, anim sa Cordillera Administrative Region (CAR), anim sa Region I, at walo sa Region II. Tumanggap ng tig-iisang PTV ang Abra, Apayao, Benguet, Ifugao,

Kalinga at Mountain Province. Sa Region I, nakatanggap ng tig-isang yunit ang Ilocos Norte at Ilocos Sur, habang tig-dalawa naman ang La Union at Pangasinan. Dalawang PTV rin ang inilaan sa bawat lalawigan ng Batanes, Cagayan, Nueva Vizcaya at Quirino sa Region II.


Ayon sa Pangulo, ang bawat sasakyan ay kumpleto sa mahahalagang kagamitang medikal tulad ng stretcher, spine board, wheelchair, blood pressure monitor, first aid kit at oxygen system. Mayroon din itong early warning device at fire extinguisher upang matiyak ang kaligtasan ng mga pasyente habang isinasakay at dinadala sa ospital.


Inihayag din ni Marcos na ang susunod na yugto ng programa ay ang paglalagay ng mga medical transport boat para sa mga isla at malalayong komunidad. Sa ganitong sistema, maipapasok ang mismong patient transport vehicle sa bangka upang hindi na kailangang ilipat pa ang pasyente, na makatutulong upang mabawasan ang panganib at mapabilis ang pagresponde sa mga emergency.


Ang ganitong programa ay nagpapakita na mahalaga ang pagkakaroon ng maayos na transportasyon sa serbisyong pangkalusugan. Gayunman, hindi dapat magtapos ang pagsisikap sa pamamahagi ng mga sasakyan. Kailangang tiyakin ng bawat lokal na pamahalaan na ang mga PTV ay maayos na namementina, may sapat na sinanay na tauhan, at laging handang gamitin anumang oras. Kapag naging tuluy-tuloy ang ganitong serbisyo, mas maraming buhay ang maaaring mailigtas at mas mararamdaman ng taumbayan na ang serbisyong pangkalusugan ay tunay na umaabot hanggang sa pinakamalayong komunidad.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page