top of page
BULGARY - LUCAS LORENZO, NA-BANNED DAW SA GOLF DAHIL SA SABLAY NA ASA-IG _juliabarretto.jp

“Senate under attack” imbes na seguridad, kainan ang naunang na-secure

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 2 hours ago
  • 2 min read

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | May 25, 2026



Prangkahan ni Pablo Hernandez


PARANG 'SUNTOK SA BUWAN’ NA MAGING SENATE PRESIDENT SI SEN. SHERWIN GATCHALIAN – Suportado umano ng 10 senador mula sa minority bloc si Sen. Sherwin Gatchalian para sa posisyon ng Senate President. Kung maisasama ang lahat, aabot ito sa 11 boto at kakailanganin pa ng dalawa pang senador upang makuha ang mayorya at posibleng mapalitan si Senate President Alan Cayetano.


Gayunman, tila mahirap para sa minority bloc na makakuha ng karagdagang suporta mula sa kasalukuyang majority, ayon sa mga obserbasyon.


Ilan sa mga senador sa majority ay inaasahang mananatili sa kanilang kasalukuyang alyansa, kabilang sina Sens. Pia Cayetano, Bong Go, Robin Padilla, Rodante Marcoleta, at Imee Marcos. Gayundin, inaasahang mananatili rin sina Loren Legarda, Jinggoy Estrada, Joel Villanueva, Chiz Escudero, Mark Villar, at Camille Villar sa kanilang kasalukuyang hanay, batay sa mga umiiral na ugnayang pampulitika at alyansa.


Dahil dito, sinasabing magiging mahirap para sa minority bloc na makakuha ng karagdagang dalawang boto mula sa kasalukuyang majority, kaya’t itinuturing ng ilan na malabo pa sa ngayon ang posibilidad ng pagbabago sa liderato ng Senado. Period!


XXX


SINO ANG KONTAK NG MAG-ASAWANG DISCAYA SA ILOCOS NORTE? – Kinumpirma ni Ilocos Norte Vice Governor Matthew Marcos Manotoc, anak ni Sen. Imee Marcos, na may mga infrastructure projects sa lalawigan na nakapangalan sa mag-asawang Curlee at Sarah Discaya. Ayon sa kanya, hindi umano sila ang aktuwal na nagpatupad ng mga proyekto, kundi ginamit lamang ang kanilang lisensya. May mga indikasyon din umano na posibleng substandard ang ilan sa mga naturang proyekto.


Hindi pa tinukoy ni VG Manotoc kung sino ang gumamit ng lisensya ng mag-asawang Discaya sa mga proyekto sa Ilocos Norte.


Kasunod ng pahayag na ito, inaasahang may mga susunod pang paglilinaw hinggil sa posibleng mga koneksyon o kontak na kaugnay ng isyu. Abangan!


XXX


INOKRAY NI ATTY. CALLEJA ANG ISYUNG 'SENATE UNDER ATTACK' — Inokray ni 1Sambayan co-convenor Atty. Howard Calleja ang isyung “under attack” ang Senado, dahil wala naman umanong nakitang ebidensya sa CCTV na may naipakitang proteksyon ang Senate Office of the Sergeant-at-Arms (OSAA) sa mga senador na nasa loob ng Senado habang nagkakaroon ng putukan.


Ayon pa kay Calleja, sa halip na usapin ng seguridad ang mapansin, ang nakita raw niya ay naubos ang pagkain mula sa catering. Boom!


XXX


PAGKA-ANNOUNCE NG DOE NA MAY OIL PRICE HIKE NA NAMAN, NAG-ANNOUNCE RIN ANG DTI NG DAGDAG-PRESYO SA SARDINAS AT INSTANT NOODLES – Matapos sabihin ng Department of Energy (DOE) na may panibagong pagtaas sa presyo ng langis sa susunod na linggo, sinundan naman ito ng pahayag ng Department of Trade and Industry (DTI) na posibleng tumaas din ang presyo ng sardinas at instant noodles dahil sa oil crisis.


Para sa ilan, tuwing naglalabas ng pahayag ang mga opisyal ng DOE at DTI na itinalaga ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (PBBM), nagdudulot ito ng kaba sa publiko dahil madalas ay tungkol sa pagtaas ng presyo at dagdag-pasanin sa mamamayan. Tsk!


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page