Senado, nagmumukha nang entablado ng kapangyarihan at pansariling interes
- BULGAR

- 6 hours ago
- 3 min read
ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | June 1, 2026

Sampung taon na ang lumipas mula nang mabasag ang marangal at maka-Diyos na himpapawid ng Pilipinas ng mga salitang bastos at salungat sa malalim na pananampalataya at paggalang ng mga Pilipino sa Maykapal. Hindi ito minsanang pambabastos at panlalait, kundi unti-unti at sunud-sunod na pangyayari.
Una, nang dumating si Papa Francisco sa kanyang kauna-unahang pagbisita sa Pilipinas, bumulaga ang isang hindi inaasahang maitim na pahayag laban sa Santo Papa:
“Sabi ko, bakit? Sabi, sarado ang daan. Sabi ko, sinong darating? Sabi, si Pope. Gusto kong tawagan. Pope, p***** ka. Umuwi ka na. Huwag ka nang bumisita rito.”
Pangalawa, hindi nagtagal ay muling umalingawngaw ang mga salitang tila lason mula sa Malacañang:
“Anong Diyos ’yan? Nagpapako sa krus. Your God is stupid.”
Pangatlo, sunud-sunod na pinaslang ang tatlong paring Katoliko. Si Fr. Marcelito “Tito” Paez ay pinatay ng mga nakamotorsiklo sa Nueva Ecija noong Disyembre 4, 2017. Si Fr. Mark Ventura naman ay pinaslang ng mga riding-in-tandem sa Cagayan noong Abril 28, 2018. Samantala, si Fr. Richmond Nilo ay binaril habang naghahanda para sa misa sa Zaragoza, Nueva Ecija noong Hunyo 10, 2018. Ang tatlong pari ay kilala sa pagtulong sa mga maralita at pagtataguyod ng karapatang pantao.
Dahil pangulo ang pinagmulan ng mga pahayag na ito at siya rin ang nagpapatupad o hindi nagpapatupad ng mga batas, nagpatuloy ang kultura ng kabastusan at pag-insulto sa relihiyon at sa mga pinuno nito. Kakaunti ang nagkaroon ng lakas ng loob upang tutulan, tuligsain, at manawagang itigil ang pangbabastos, pagpatay, at paglapastangan sa kultura at pananampalataya.
Hindi nagtagal, tila naging normal na sa marami ang pagmumura. Para bang karaniwang pagbati na lamang ang mga salitang dati’y itinuturing na bastos. Hindi na nakapagtataka kung matatanda ang nagmumura, ngunit nakababahala kapag pati mga bata ay gumagamit na rin ng gayong pananalita habang naglalaro o nag-uusap sa tahanan man o lansangan. Dahil dito, marami ang napapatanong: “Ano na ang nangyayari sa ating bansa?”
Sampung taon matapos mahalal ang isang pangulong kilala sa pagmumura, pambabastos sa relihiyon, at pag-atake sa mga pinuno nito, muling nabuhay sa Senado ang madilim na bahaging ito ng ating kasaysayan. Matapos ang umano’y kudeta sa liderato noong mga nakaraang linggo, nabuo ang bagong mayorya na sumusuporta sa pangulong nakakulong ngayon sa ICC sa Hague, Netherlands.
Pagkaraan lamang ng isang linggo, iginiit ng bagong mayorya na payagang bumoto ang mga senador kahit hindi personal na dumalo sa sesyon. May mga senador na nahaharap sa mga kasong may kaugnayan sa katiwalian, habang ang iba naman ay may nakaambang mga kaso. Dahil sa pagtutol sa mga pagbabagong itinuturing nilang arbitraryo, nag-walkout ang 11 senador mula sa minorya.
Habang marami ang nadidismaya sa mga nagaganap sa Senado, muli na naman tayong nagiging katatawanan sa entablado ng pandaigdigang pulitika.
Paano maibabalik ang dangal at mahalagang papel ng Senado? Kailan tayo magkakaroon ng mga senador na tunay na tapat sa taumbayan at hindi sa isang makapangyarihang pulitiko o grupo? Tulad ng paalala ni Obispo Teodoro Bacani: “Mga senador, hindi kayo tauhan ng bise presidente kundi tauhan ng taumbayan.”
Kailan tayo magkakaroon ng Senado na binubuo ng mga tunay na independiyenteng mambabatas? Malinaw na nahahati sa dalawang kampo ang Senado, at kapansin-pansin kung sino ang kumikilos nang malaya at kung sino ang hindi.
Kailan tayo magkakaroon ng Senado na ang mga kasapi ay nagsisilbi sa katotohanan at katarungan, at hindi sa mga pansariling interes? May ilan pang nagsasabing hindi sila pinagdududahan ng Diyos kahit kinukuwestiyon sila ng taumbayan.
Tinawag nating “Kengkoy Politics” ang kalagayan ng ating pulitika. Marami ang dismayado sa mga asal at pagganap ng ilang senador na tila mas nakatuon sa pagpapasikat kaysa sa paglilingkod. Paano tatayo nang matatag ang isang institusyon kung ang ilan sa mga bumubuo rito ay nahaharap sa mabibigat na usapin ng integridad at pananagutan?
Maaaring pahabain pa ang talaan ng mga problemang bumabalot sa Senado. Ngunit hindi lamang reklamo at batikos ang dapat manaig. Kailangang mag-usap, manalangin, hanapin ang katotohanan, at sundin ang kalooban ng Diyos para sa kabutihan at katarungan ng lahat.
Ito ang naging pasya ng 13 Ebanghelikong pastor at 13 paring Katoliko na nagpulong kamakailan. Bilang bahagi ng Kilusan ng Kingdom Keepers (KKK), nagkasundo silang maglabas ng pahayag at magsagawa ng mga pagkilos upang ipahayag ang kanilang matinding pagtutol sa mga anila’y kalabisan at pagtataksil na nagaganap sa Senado.
Hindi nila sinasabing hindi sila maaaring magkamali o hindi sila pinagdududahan ng Diyos. Batid nila ang kahalagahan ng kababaang-loob, panalangin, at sama-samang pagkilos kasama ng mga layko at mga taong kanilang pinaglilingkuran.
Sa halip na sumuko sa kadiliman ng kasinungalingan at kasakiman na sumisira sa mga institusyon ng bansa, hangarin nilang sundin at ipalaganap ang liwanag ng katotohanan at katarungan na hinahanap ng sambayanan.





Comments