top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Senado, kinikilala ang natatanging tagumpay ng Pinoy athletes

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 2 days ago
  • 4 min read

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | July 10, 2026



Bisyo Magserbisyo ni Bong Go


Nag-file ako ng magkakahiwalay na resolusyon sa Senado upang kilalanin at batiin sina Alexandra “Alex” Eala, Ernest John “EJ” Obiena, at Carlos Yulo sa kanilang mga tagumpay sa international sports.


Bilang Chairperson ng Senate Committee on Sports, naniniwala ako na mahalagang mabigyan ng pagkilala ang ating mga atletang patuloy na nagbibigay ng karangalan sa bansa. Malaking karangalan para sa ating bansa ang ipinakita nina Alex, EJ, at Carlos. Ipinakita nila na kayang makipagsabayan ng atletang Pilipino sa pinakamataas na antas kung may disiplina, tiyaga, at tamang suporta.


Partikular kong binigyang-diin ang naging historic run ni Alex Eala sa 2026 Wimbledon Championships. Siya ang naging unang Filipina na nanalo sa women’s singles main-draw match sa Wimbledon at unang Filipino sa Open Era na umabot sa fourth round, matapos niyang talunin ang defending champion ng torneo na si Iga Świątek ng Poland. Malaking tagumpay para sa Philippine tennis ang kanyang nakamit.


Ramdam natin kung gaano ka-proud ang buong bansa kay Alex Eala. Ang kanyang tagumpay ay inspirasyon sa maraming kabataang Pilipino. Patuloy niyang ipinapakita na kaya ng Pilipino na makipagsabayan sa international competitions.


Nais din nating pasalamatan para sa karangalang handog sa bansa si EJ, na nakakuha ng back-to-back gold medals sa 2026 outdoor athletics season, gayundin si Carlos, na nanalo ng gold medal sa men’s floor exercise sa 2026 Asian Men’s Artistic Gymnastics Championships.


Bilang isang atleta at sports enthusiast, naniniwala ako na marami tayong mga manlalaro sa bawat barangay at komunidad na naghihintay lang mabigyan ng pagkakataon, maayos na programa, at suporta. Kaya naman patuloy nating isinusulong ang mga panukala at programa para palakasin ang grassroots sports sa buong bansa.


Isa sa pinakamahalagang bahagi ng adbokasiyang ito ay ang National Academy of Sports o NAS, na itinatag sa ilalim ng Republic Act No. 11470, na aking iniakda at co-sponsored. Matatagpuan ito sa New Clark City sa Capas, Tarlac, at nagbibigay ng dual-track system na pinagsasama ang de-kalidad na secondary education at specialized sports curriculum upang matulungan ang young student-athletes na mapaunlad ang kanilang pag-aaral habang hinuhubog ang kanilang talento sa sports.


Upang mas mapalawak pa ang ganitong oportunidad, inihain natin ang Senate Bill No. 171, o ang proposed National Academy of Sports Regional Expansion Act of 2025, na naglalayong magtatag ng regional NAS campuses sa iba’t ibang bahagi ng bansa, lalo na sa Visayas at Mindanao. Sa pamamagitan nito, mas maraming kabataang atleta ang mabibigyan ng full scholarships, maayos na training, at pantay na pagkakataong maabot ang kanilang pangarap.


Pasado na rin sa Senado ang ipinaglaban natin na SB 1743 na naglalayong itaas at ipantay ang matatanggap na insentibo ng ating mga para-athletes sa kung ano ang tinatanggap ng iba pang national athletes. Dapat pantay ang pagkilala sa sakripisyo, husay, at karangalan na dala ng lahat ng atletang Pilipino.


Inihain din natin ang Senate Bill No. 413, o ang Philippine National Games bill, upang gawing institusyonal ang isang nationwide grassroots sports competition na magsisilbing recruitment platform para sa mga National Sports Associations. Kasabay nito, isinusulong din natin ang Senate Bill No. 678, o ang proposed National Tertiary Games Act, para magkaroon ng national collegiate multi-sport tournament na tutulong sa paghubog at pagpapakita ng talento ng ating mga atleta sa tertiary level.


Samantala, tuloy pa rin tayo sa pagbibigay ng serbisyo sa ating mga kababayang nangangailangan. Noong July 4, personal nating tinulungan ang mga nasunugan sa Barangay Ilang, Bunawan District, Davao City sa pakikipag-ugnayan kay 2nd District City Councilor Che Che Justol-Baguilod at Barangay Ilang Captain Amado Babao. Pagkatapos nito, nagtungo tayo sa Barangay 19-B Poblacion sa lungsod upang maghatid din ng tulong sa mga pamilya sa pakikipag-ugnayan kay 1st District City Councilor Atty. Luna Acosta, Kagawad Jenny Ann Monreal-Nicolas, at SK Chairman Robin Lo.


Bukod dito, nagpaabot din ang ating Malasakit Team ng iba’t ibang tulong sa mga nasunugang pamilya sa Mandaue City at Talisay City sa Cebu, Puerto Princesa City, at Cagayan de Oro City.


Natulungan din ng Malasakit Team ang mga residenteng nangangailangan mula sa iba’t ibang bayan sa Batangas, gaya ng Calaca, Balayan, Calatagan, Lemery, Lian, Nasugbu, Taal, at Tuy.


Namigay rin tayo ng dagdag na tulong sa ilang estudyante sa Sampaloc at Tondo sa Maynila. Nagpaabot din tayo ng tulong sa ilang indigents mula sa Lupon, Davao Oriental.


Nagbigay din ang ating team ng karagdagang tulong sa mga nasunugan sa Navotas City na patuloy na bumabangon. Nakatanggap din ang mga benepisyaryong ito ng tulong mula sa pambansang pamahalaan, na sinuportahan natin para sa pagbili ng mga materyales sa muling pagpapatayo ng kanilang mga tahanan.


Bilang Mr. Malasakit at Chairperson ng Senate Committees on Sports at on Youth, patuloy kong gagampanan ang aking tungkulin na bigyang-diin ang pangangailangang palakasin ang suporta para sa ating mga atleta, lalo na sa grassroots sports, training programs, at mga oportunidad para sa kabataang Pilipino. Marami tayong talento sa bawat paaralan, barangay, at komunidad na kailangan lang mabigyan ng tamang gabay, programa, pasilidad, at suporta.


Bisyo ko na ang magserbisyo at naniniwala ako na ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos.


Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page