Sen. Lacson, oras na para bigyang-pansin ang hirit ni Sen. Imee na imbestigasyon sa male-maletang pera
- BULGAR

- 2 hours ago
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | March 16, 2026

DAPAT PAGBIGYAN NI SEN. LACSON ANG HIRIT NA IMBESTIGASYON NI SEN. IMEE SA MALE-MALETANG PERA PARA MATAPOS NA ANG ISYU – Pinanindigan ng 18 ex-marines, na dating security aides ni former Cong. Zaldy Co, na sila ang nagdala ng male-maletang pera kina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (PBBM), former Speaker Martin Romualdez, at sa iba pang pulitiko at opisyal ng gobyerno.
Dapat bigyang-pansin ni Senate President Pro Tempore Sen. Ping Lacson, chairperson ng Senate Blue Ribbon Committee, ang panukala ni Sen. Imee Marcos na imbestigahan ang isinumbong ng 18 ex-marines. Kung balewalain lamang ito, maaaring hindi matapos ang deliberasyon hinggil sa alegasyong kickback sa mga tiwaling politiko at opisyal ng gobyerno. Boom!
XXX
SA TRUST AND SATISFACTION SURVEY, TOP SI SEN. BONG GO, NAUNGUSAN NIYA SINA MAYOR LENI, SEN. RAFFY TULFO AT VP SARA – Sa pinakabagong survey ng Tangere Research Firm tungkol sa trust at satisfaction ratings ng mga pangunahing personalidad sa bansa, nanguna si Sen. Bong Go na may 64% rating. Pumangalawa si Naga City Mayor at dating Vice President Leni Robredo sa 59.2%, sinundan ni Sen. Raffy Tulfo sa 57%, at si VP Sara Duterte naman ay 55%.
Hindi nakapagtataka ang mataas na rating ni Sen. Bong Go dahil sa loob ng Senado ay marami siyang naipasa at naitaguyod na batas sa larangan ng health care at edukasyon. Sa labas naman ng Senado, kilala siya sa agarang tulong sa mga kababayang biktima ng kalamidad at sunog.
Kaya kung sakaling ma-impeach si VP Sara at mapaniwala si Sen. Bong Go ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte na tumakbo bilang presidente, malaki ang posibilidad na ang magiging presidente pagkatapos ng 2028 presidential election ay manok pa rin ng dating pangulo. Period!
XXX
SA MGA SURVEY, UNBEATABLE SINA VP SARA AT SEN. BONG GO KAYA'T KAPAG NAGWAGI SILA SA 2028 ELECTIONS, MATATALA SA KASAYSAYAN NA PAREHONG TAGA-DAVAO CITY ANG NANALONG PRESIDENTE AT VICE PRESIDENT – Sa pinakahuling popularity survey ng Tangere para sa 2028 presidential at vice presidential elections, nanguna si VP Sara para sa pagka-presidente, habang si Sen. Bong Go naman ang nangunguna sa pagka-bise presidente. Kung hindi ma-impeach si VP Sara at tatakbo si Sen. Bong Go bilang bise presidente, tiyak na matatala sa kasaysayan ng Pilipinas na parehong taga-Davao City ang magiging presidente at vice president. Abangan!
XXX
TILA PABIDA LANG NG ICI ANG IBINULGAR NILA NOON TUNGKOL SA 8 CONG-TRACTOR KASI HANGGANG NGAYON, WALA PANG NABABALITAAN NA KINASUHAN SILA – Noong Nobyembre 2025, ibinulgar ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) na may walong kongresistang kontraktor, o “cong-tractors,” na sangkot sa flood control scandal. Ngunit tila pabida lamang ang ICI, dahil hanggang Marso 2026 ay wala pang balita kung sinampahan na ng kaso sa Office of the Ombudsman ang walong nabanggit sa plunder at malversation of public funds. Tsk!




Comments