Sen. Kiko Pangilinan, dapat nang rebisahin ang batas na nagpapalusot sa mga menor-de-edad na salarin
- BULGAR

- 4 hours ago
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | June 26, 2026

MAGAGALIT TALAGA MGA DDS KASI SI VP SARA NA IBINOTO NG 31M PINOY, GUSTONG PATALSIKIN NG SABWATANG MARCOS ADMIN, KAMARA AT GATCHALIAN BLOC – Halos araw-araw ay pinuputakte ng batikos ng mga Duterte Diehard Supporters (DDS) sa social media ang Marcos administration, Kamara at Gatchalian bloc sa Senado dahil sa umano’y sabwatan ng mga ito para ma-impeach si Vice President Sara Duterte.
May dahilan naman na magalit ang mga DDS dahil higit 31 milyong Pilipino ang bumoto kay VP Sara. Kaya para sa kanila, hindi katanggap-tanggap na mapatalsik siya sa puwesto bilang bise presidente dahil sa umano’y sabwatan ng Marcos administration, Kamara at Gatchalian bloc sa Senado. Tsk!
XXX
KAPAG TOTOONG 'MARY GRACE PIATTOS' ANG SURPRISE WITNESS NG KAMPO NI VP SARA, SUPALPAL AABUTIN NG GRUPO NI CONG. JINKY LUISTRO — Sinabi ng mga abogado ni VP Sara na may mga “surprise witness” silang ihaharap kapag nagsimula na ang impeachment trial laban sa bise presidente.
Kaya kung kabilang sa mga testigong ito si “Mary Grace Piattos,” maaaring masupalpal ang House prosecution panel na pinamumunuan ni Batangas 2nd District Rep. Jinky Luistro dahil malalantad sa publiko na totoong tao siya at hindi lamang imbento. Kung gayon, mapatutunayan na may tunay na benepisyaryo ng confidential fund ng bise presidente. Period!
XXX
MAY MALAKING MALI TALAGA SA BATAS NI SEN. KIKO PANGILINAN – Sa pamamaril sa San Juan National High School sa Tacloban City, lumabas na isang beses lamang nagpaputok ng baril ang 15-anyos na estudyante, habang 36 na beses namang nagpaputok ang 14-anyos na estudyante. Apat ang napatay at 20 pa ang nasugatan sa insidente.
Ang 15-anyos na estudyante na isang beses lang nagpaputok ay kinasuhan ng multiple murder at multiple frustrated murder. Ngunit ang 14-anyos na estudyante na mas maraming napatay at nasugatan ay hindi maaaring kasuhan dahil sa ilalim ng Juvenile Justice and Welfare Act, ang mga batang 15 taong gulang pababa ay walang criminal liability.
Ang nais nating ipunto rito ay tila may malaking problema sa batas na ito. Tsk!
XXX
DAPAT IPA-STOP ANG RAKET NA MINI-CASINO NG MGA MARCOS LOYALISTS SA BAMBANG, NUEVA VIZCAYA – May impormasyon na ang mga Marcos loyalist na kandidato sa pagka-barangay chairman sa Bambang, Nueva Vizcaya ay popondohan umano ng kapwa nila Marcos loyalists na mga operator ng ilegal na mini-casino na sina alyas "Karen," "Maribel" at "Tisoy" upang matiyak na matatalo ang mga DDS na kandidato sa Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa Nobyembre 2026.
Kung totoo na nagmumula sa ilegal na mini-casino ang pondong gagamitin sa kampanya, bawal iyan. Kaya naman, dapat ipahuli sina "Karen," "Maribel" at "Tisoy" upang matiyak na magiging patas ang labanan ng mga loyalistang kandidato at mga DDS na kandidato sa pagka-kapitan sa mga barangay sa lalawigang ito. Period!





Comments