Sen. Jinggoy, may HDO na, malamang kabado na rin sa arrest warrant
- BULGAR

- Feb 18
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | February 18, 2026

DAPAT LANG ISAMA SI CURLEE SA KASO NG KANYANG MISIS, KASI IMPOSIBLENG HINDI NIYA ALAM ANG MGA GHOST, SUBSTANDARD AT INCOMPLETE FLOOD CONTROL PROJECTS NG KANILANG MGA CONSTRUCTION FIRM – Kinumpirma ng Office of the Ombudsman na pinoproseso na nila ang mga ebidensyang ibinigay ng Department of Public Works and Highways (DPWH) upang maisama si Curlee Discaya sa kasong no bail na malversation of public funds, kasama ang falsification of public documents, graft, at bribery, na naunang isinampa laban sa kanyang misis na si Sarah Discaya, na isa ring kontratista.
Ayon sa mga ulat, nararapat lamang na maisama sa kaso at makulong sa city jail si Curlee, dahil mahirap paniwalaan na wala siyang kinalaman sa mga ghost, substandard, at incomplete na flood control projects ng kanilang construction firm. Period!
XXX
MALAMANG KABADO NA SI SEN. ESTRADA KASI POSIBLE ANG KASUNOD NG HDO ORDER SA KANYA AY WARRANT OF ARREST NA – Nagpalabas ng hold departure order (HDO) ang Manila Regional Trial Court laban kay Sen. Jinggoy Estrada at iba pang DPWH officials na kasangkot sa plunder kaugnay ng flood control scandal.
Bagaman hindi ito inamin, tiyak na kinakabahan si Sen. Estrada, dahil ang pag-isyu ng HDO laban sa kanya ay indikasyon na susunod na ang warrant of arrest. Kung mangyari ito, maaari siyang makulong sa city jail kasama si dating Sen. Bong Revilla. Boom!
XXX
INOKRAY NI ATTY. TOPACIO ANG AMBISYON NI SEN. RISA HONTIVEROS NA MAGING PRESIDENTE NG ‘PINAS – Inokray ni Atty. Ferdinand Topacio si Sen. Risa Hontiveros sa planong kandidatura nito sa pagkapresidente, dahil ayon sa kanya, wala raw itong kapana-panalo laban kay Vice President Sara Duterte-Carpio. Binanggit ng abogado na nuong 2022 senatorial election, nagtamo lamang ng ika-11 na pwesto si Sen. Risa, habang si VP Sara ay mas marami ang boto bilang vice presidential candidate kumpara kay Bongbong Marcos bilang presidential candidate.
Aniya, panahon na para kalimutan ni Sen. Risa ang pangarap na maging presidente dahil sa mataas na popularidad ni VP Sara. Period!
XXX
MGA 'UNTOUCHABLES' NA MANGRA-RAKET SA PARAÑAQUE CITY, KAILAN IPAPAHULI NINA MAYOR OLIVAREZ AT COL. PIÑON? – Patuloy pa rin umano ang operasyon ng mga raket tulad ng video karera ni "Vic," lotto ni "Joy," at sakla ni "Jun Ginto" sa Parañaque City.
Kailan kaya kikilos sina Mayor Edwin Olivarez at City Chief of Police Col. Nicolas Piñon para ipahuli ang mga “untouchables” na mangraraket sa lungsod? Abangan!



Comments