Sen. Dela Rosa, huwag magpakampante sa “walang warrant” na pahayag ng ICC at Malacañang, baka matulad kay Duterte
- BULGAR

- 13 hours ago
- 3 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | May 11, 2026

SA HALIP NA PAPURIHAN SI CONG. LEVISTE SA IBINULGAR NA SANGKOT SA STL-BOOKIES SINA ES RECTO AT CONG. GARDIOLA, PAMBU-BULLY PA INABOT NIYA SA KAMARA – Matapos umanong ibulgar ni Batangas 1st District Rep. Leandro Legarda Leviste na sangkot sa operasyon ng Small Town Lottery (STL) at bookies sa Batangas ang tinaguriang “right-hand” ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (PBBM) na si Executive Sec. Ralph Recto, at ang kasosyo umano na si CWS partylist Rep. Edwin Gardiola, na may kaugnayan naman sa isyu ng flood control, imbes na purihin siya ay tila pinagtuunan pa umano siya ng matinding batikos ng ilang pro-Marcos congressmen sa Kamara.
Giit ng panig ni Leviste, sa halip na ituon ang pansin sa mga paratang na ibinulgar, mas mainam sanang nag-utos ng imbestigasyon si Speaker Bojie Dy hinggil sa mga alegasyon laban kina ES Recto, Rep. Gardiola, at maging sa iba pang personalidad na binanggit sa usapin, kabilang ang ilang opisyal sa Batangas at iba pang lugar na iniugnay sa STL at bookies operations sa ilang lungsod at lalawigan gaya ng Quezon City, Pasig, Muntinlupa, Caloocan, Rizal, at Aklan.
Gayunman, wala umanong naging direktang utos ang Speaker para sa pormal na imbestigasyon at sa halip ay hinayaan lamang ang matinding pagtatalo at pagkuwestiyon ng ilang kongresista laban sa mambabatas na naglabas ng mga akusasyon. Period!
XXX
MALAMANG LUMIPAT SI SEN. LEGARDA SA SENATE MINORITY KASI BILANG ISANG INA, MASAKIT SA KANYA NA BINU-BULLY ANG KANYANG ANAK – Dahil sa umano’y matinding batikos mula sa ilang kongresistang kaalyado ng administrasyon sa kanyang anak na si Cong. Leviste, posibleng kumalas sa Senate majority si Sen. Legarda at lumipat sa minority bloc.
Bilang isang ina, lubos na naapektuhan si Sen. Legarda sa mga isyung kinakaharap ng kanyang anak sa Kamara. Tsk!
XXX
PLANO TALAGA NG SENATE MINORITY NA HARANGIN ANG IMPEACHMENT KAY VP SARA – May mga pananaw na sa mayorya sa Senado ay posibleng harangin ang impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte, sa paniniwalang ito ay pinopulitika umano at may layuning mapigilan ang kanyang pagtakbo sa pagkapangulo, lalo’t siya ay itinuturing na kabilang sa mga nangungunang posibleng kandidato sa 2028 presidential election.
May mga haka-haka rin na kung lilipat si Sen. Legarda sa minority bloc at makahihikayat pa ng ilang kapwa senador mula sa mayorya, maaaring magkaroon ng pagbabago sa liderato ng Senado. Sa ganitong sitwasyon, posibleng magbago rin ang direksiyon ng mga desisyon sa impeachment proceedings.
Kung sakaling magkaroon ng bagong Senate President na mas kaalyado ng kampo ni VP Sara, sinasabi ng ilan na maaaring makaapekto ito sa magiging takbo ng impeachment. Abangan!
XXX
HINDI DAPAT MANIWALA SI SEN. DELA ROSA NA WALA PA SIYANG WARRANT OF ARREST KASI GANYAN DIN ANG SINABI NOON NG MALACAÑANG AT ICC KAY FPPRD – Hindi dapat basta maniwala si Sen. Ronald dela Rosa sa pahayag ng International Criminal Court (ICC) na wala pa silang inilalabas na arrest warrant laban sa kanya, gayundin sa sinabi ng Malacañang na wala silang impormasyon hinggil dito.
May mga nauna na kasing pagkakataon na ganito rin ang naging pahayag ng ICC at Malacañang tungkol sa sinasabing walang umiiral na warrant, ngunit kalaunan ay nagkaroon pa rin ng aktuwal na pagpapatupad sa isang dating kaso kaugnay kay former President Rodrigo Roa Duterte.
Dahil dito, pinapaalalahanan ang senador na manatiling maingat at handa sa anumang posibleng mangyari, sa halip na umasa lamang sa mga opisyal na pahayag. Period!





Comments