top of page

Sen. Bato, inokray lang na may warrant of arrest nagtago na, ayaw pa lang samahan si FPRRD sa ICC Jail!

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 11 hours ago
  • 2 min read

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | February 9, 2026



Prangkahan ni Pablo Hernandez


INOKRAY NI SEC. JONVIC SI SEN. BATO, NAG-'MARITES' LANG SI OMBUDSMAN BOYING NA MAY WARRANT OF ARREST NAGTAGO NA, ‘DI TINUPAD NA SASAMAHAN NIYA SA ICC JAIL SI FPRRD – Inokray ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla si Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa kaugnay ng umano’y pag-iwas nito at pagliban sa mga sesyon ng Senado.


Ayon kay Remulla, sariwa pa sa kanyang alaala ang pahayag noon ng senador na handa umano niyang samahan sa kulungan si dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte sakaling maglabas ng warrant of arrest ang International Criminal Court (ICC). Gayunman, aniya, sa kabila ng kawalan ng kumpirmasyon na may inilabas nang warrant, tila nagtatago na ngayon si Sen. Dela Rosa.


Maging ang taumbayan, aniya, ay hindi pa nakakalimot sa naturang pahayag ng senador. Sa kasalukuyan, lumalabas umano na biro o pang-uunggoy lamang ang sinabi noon, lalo na’t matapos lamang ang usap-usapan na may ICC warrant laban sa kanya—na ibinahagi ni Ombudsman Boying Remulla—ay tila umurong na ang senador at hindi na tinupad ang pangakong sasamahan niya ang dating pangulo.


Sa halip na panindigan ang sinabi, tila iniwan umano ni Sen. Dela Rosa sa ere ang kanyang dating pinuno. Boom! 


XXX


BUKOD SA MGA LUXURY CARS, JETS, HELICOPTER, MERON DIN PA LANG MGA YATE AT BARKO ANG SCAMMER NA SI ZALDY CO – Ibinulgar ng Independent Infrastructure Commission (ICI) na natuklasan nilang bukod sa mga private jet, helicopter, at imported luxury car, ay mayroon din umanong mga yate at barko ang puganteng dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co.


Dahil dito, lumalabas na napakalaking halaga ng pondo ng bayan ang umano’y na-scam ni Co, makikita sa lawak at karangyaan ng kanyang mga ari-arian—mula sa mamahaling sasakyan at sasakyang panghimpapawid hanggang sa mga yate at barko. Buset! 


XXX


DAPAT MAS LALIMAN PA NG ICI ANG IMBESTIGASYON AT BAKA SAKALING MATUKLASAN DIN NILA NA MAY SUBMARINO RIN ANG SCAMMER NA SI ZALDY CO – Dapat pang palalimin ng ICI ang imbestigasyon sa mga nakatagong yaman ni Zaldy Co. Posibleng may madiskubre pa silang iba pang ari-arian sa kalaunan—baka pati mga submarino. Boom!


XXX


KAILAN KAYA MAGSISIPAG-RESIGN ANG IBA PANG MGA PARTYLIST AT DISTRICT CONGRESSMEN NA SANGKOT SA FLOOD CONTROL SCANDAL? — Matapos magbitiw sa puwesto si Zaldy Co bilang partylist congressman ng Ako Bicol noong Setyembre 29, 2025, nag-resign din si Rep. Edvic Yap bilang kinatawan ng ACT-CIS party-list noong Pebrero 4, 2026. Kapwa sila nasasangkot sa umano’y iregularidad sa mga flood control projects.


Dahil dito, umuusbong ang tanong kung kailan susunod na magbibitiw ang iba pang partylist at district representatives na nadadawit sa parehong iskandalo. Abangan!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page