top of page

Sen. at cong., kung sinuportahan lang ang Death Penalty Bill sa plunderer noon wala sanang flood control projects scam

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Sep 8
  • 2 min read

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | September 8, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


KUNG SINUPORTAHAN LANG NOON NG MGA SENADOR AT KONGRESISTA ANG PANUKALANG DEATH PENALTY NI SEN. BONG GO SA MGA PLUNDERER, WALA SANANG NAGANAP NA FLOOD CONTROL PROJECTS SCAM -- Bago pa isinulong ng noo’y Zamboanga City Rep. Khymer Olaso last January 2025 at ni Sen. Ronald Dela Rosa ngayong September 2025 ang parusang kamatayan sa mga plunderer, may ganyan na ring panukalang batas si Sen. Bong Go noong July 2019 na ang kasong plunder, dapat patawan ng death penalty.


Kung ang bill na iyan ni Sen. Bong Go ay noon pa sinuportahan ng mga senador at kongresista, wala sanang isyung flood control projects scam, wala sanang mga nagsabwatan sa pang-i-scam sa bilyun-bilyong pisong kaban ng bayan, period!


XXX


NAKABUTI RIN ANG INSPIRATION INTERVIEW NINA KORINA AT JULIUS DAHIL KUNG HINDI NAKITA NG PUBLIKO ANG MAGARBONG PAMUMUHAY NG PAMILYA DISCAYA, BAKA ANG SINABI NI SARAH DISCAYA SA SENADO SIMPLE LANG ANG KANILANG PAMUMUHAY -- Nakabuti rin pala ang ‘bayad’ (tig-P10M daw, ayon sa post ni Pasig City Mayor Vico Sotto) na inspiration interview nina broadcaster-vloggers Korina Sanchez at Julius Babao sa mag-asawang Curlee at Sarah Discaya, na pinalabas nila sa kanilang mga programa na kesyo dapat daw maging inspirasyon ang pagyaman ng mag-asawang Discaya.


Kung hindi kasi ininterbyu nina Korina at Julius ang mag-asawang Curlee at Sarah, at hindi nila ipinakita sa publiko ang magarbong pamumuhay ng pamilya Discaya, na mayroon silang sangkatutak na luxury cars, mala-palasyong tahanan, mga mamahaling kagamitan, ay malamang ang sabihin ni Sarah Discaya sa imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee patungkol sa flood control projects scam na siya, kanyang mister na si Curlee at kanilang mga anak ay simple lang ang kanilang pamumuhay, boom!


XXX


LAHAT NG KONTRAKTOR NA MAY KONTRATA SA GOBYERNO, DAPAT ISAILALIM DIN

SA LIFESTYLE CHECK, BAKA TULAD NG PAMILYA DISCAYA GUMARBO RIN ANG PAMUMUHAY SA ‘PANG-I-SCAM’ SA KABAN NG BAYAN -- Hindi lang dapat mga politician at gov’t. officials ang dapat isailalim sa lifestyle check.


Dapat isailalim din sa lifestyle check ang mga kontraktor na may kontrata sa gobyerno, baka kasi hindi lang lantad, na tulad sila ng pamilya Discaya na may sangkatutak na luxury cars, mala-palasyong tahanan at may mga mamahaling kagamitan, na mga naging bilyonaryo rin sa ‘pang-i-scam’ sa pera ng bayan, period!


XXX


MAGULONG GOBYERNO ANG MARCOS ADMIN, PRESIDENTE VS. VICE PRESIDENT, SENADO VS. KAMARA AT MALACANANG VS. KONGRESO -- Sa mga naging administrasyon, pinakamagulo ay ang Marcos administration.


Magkaaway ang presidente at bise presidente, magkaaway ang Senado at Kamara, at magkaaway ang Malacanang at Kongreso.


Imbes magkaisa para mapanagot sa batas ang mga nang-i-scam sa kaban ng bayan, sila-sila ang mga nagbabangayan, palibhasa kasi karamihan sa kanila ay sangkot din sa mga katiwalian, mga pwe! 


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page