top of page

Sektor ng transportasyon, unti-unting sumusuko sa bigat ng gastusin sa krudo

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 4 hours ago
  • 2 min read

ni Leonida Sison @Boses | April 2, 2026



Boses by Ryan Sison


Masakit isipin, habang tumataas ang presyo ng langis, unti-unti namang humihinto ang ikot ng buhay ng mga tsuper at kasabay nito, napaparalisa rin ang galaw ng mamamayan. 


Hindi lang ito simpleng usapin ng pamasahe o pasada, ito ay kuwento ng kabuhayan na unti-unting kinakapos sa gitna ng walang tigil na pagtaas ng produktong petrolyo.


Kusa nang tumigil sa pamamasada ang ilang operators at drivers ng traditional at modernized jeepney na kabilang sa Cooperative Alliance for Modernized Transport Business Industry Operation. Ayon sa isang kawani ng ahensya, halos dumoble na ang kanilang gastusin kumpara sa kinikita. 


Dahil sa sunud-sunod na oil price hike, hindi na sapat ang araw-araw na pasada upang matustusan ang pangangailangan ng kanilang pamilya. 


Sa halip na maiuwi ang disenteng kita, pagod na katawan at pangamba ang kanilang bitbit pauwi.


Sa puntong hindi na kayang tapatan ang presyo ng krudo, pinili na lamang ng ilan na ihinto ang biyahe sa mga pangunahing kalsada sa Maynila. 


Ang iba ay napilitang humanap ng ibang mapagkakakitaan, malinaw na indikasyon na ang sektor ng transportasyon ay unti-unting sumusuko sa bigat ng gastusin. Hindi na umano makatarungan ang kasalukuyang sitwasyon, lalo pa’t ang mga tulong mula sa pamahalaan, gaya ng ayuda, ay hindi sapat upang tugunan ang patuloy na pagtaas ng gastos.


Sa ganitong kalagayan, hindi lang tsuper ang apektado. Damay ang milyun-milyong Pilipinong araw-araw umaasa sa jeep bilang pangunahing paraan ng transportasyon.


Kapag may nawawalang jeep sa kalsada, may estudyanteng nahuhuli sa klase, manggagawang napipilitang gumastos nang higit, at pamilyang mas lalong napipiga ang budget. Ang krisis sa langis ay nagiging krisis ng buong bayan.


Kailangan na ng agarang aksyon at konkretong alternatibo mula sa pamahalaan, hindi panandaliang ayuda kundi pangmatagalang solusyon na tutugon sa ugat ng problema. 

Maaaring kabilang dito ang mas epektibong fuel subsidy, regulasyon sa presyo, o suporta sa mas abot-kayang alternatibong enerhiya para sa transport sector.


Ang paghinto ng mga jeep ay hindi simpleng desisyon kundi desperadong hakbang. 

Isa itong tahimik na protesta ng sektor na matagal nang umaaray. Kung patuloy na babalewalain ang kanilang hinaing, hindi lang makina ang titigil, pati ang pag-usad ng pang-araw-araw na buhay ng taumbayan. Ang tunay na progreso ay kung paano inaalalayan ang mga nasa laylayan, at sa panahong ito, malinaw na kailangan nila ng higit pa sa pangako, kailangan nila ng tunay na pagkilos.



Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page