Sec. Dizon, mapa-DPWH o mapa-DOTr, hindi nagpapaiwan sa pagpapakita ng kaangasan, pweeee!!

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | October 31, 2026

BILANG KAALYADO, DAPAT PINALALAKAS NI SEN. ALAN CAYETANO ANG LOOB NI VP SARA AT HINDI PINAHIHINA — Hindi man aminin ay maaring hindi ikinatuwa ni Vice President Sara Duterte ang tinuran ng kaalyado niyang si Sen. Alan Cayetano na wala raw sinuman sa mga senator-judges ang dapat tumanggap na maging acting vice president kapag na-convict ang bise presidente sa kaso nitong impeachment.
Sa statement kasing ito ni Sen. Alan Cayetano ay parang pinalalabas niya na matatanggal sa pagka-Bise Presidente si VP Sara.
Ang nais nating ipunto rito ay imbes palakasin ni Sen. Alan Cayetano ang loob ni VP Sara, na silang nasa minorya ay hindi basta-basta makapapayag na matanggal ito sa pagka-Bise Presidente, ‘eh sa statement niya na walang sinumang senador ang dapat pumalit sa kanya, ay pinahihina pa niya ang loob ng Vice President, tsk!
XXX
SABLAY TALAGA ANG PAKIKIPAG-TANDEM NI VP SARA KAY PBBM KASI ANG MGA KAALYADONG CONG. NG MARCOS ADMIN PINUPURSIGE NA MASAMPAHAN SIYA NG PATUNG-PATONG NA KASONG PLUNDER, GRAFT AT TAX EVASION — Ayon sa House Prosecution panel, bukod sa plunder, graft ay maari rin daw sampahan si VP Sara ng kasong tax evasion dahil sa misdeclared income tax.
Pagpapatunay 'yan na sablay talaga ang ginawa ni VP Sara na pakikipag-tandem kay President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., (PBBM) noong 2022 presidential election kasi 'yung mga kaalyadong kongresista ng Marcos administration ay sila pa ang nagsusulong para siya ay masampahan ng patung-patong na administrative at criminal cases na tulad ng plunder, graft at tax evasion, period!
XXX
PARANG SINABI NI FORMER DPWH USEC. BERNARDO NA LAHAT NG MGA SENADOR AT CONG. NA MAY PA-PROYEKTO SA DPWH AY MGA CORRUPT — Sa testimonya ni former Department of Public Works and Highways (DPWH) Usec. Roberto Bernardo sa Sandiganbayan na ang lahat daw ng proyekto ng DPWH ay mayroong proponent at kickback.
Kumbaga, parang sinabi na rin ni Bernardo na ang lahat ng mga senador at kongresistang may pa-proyekto sa DPWH ay mga corrupt, boom!
XXX
SEC. DIZON MAANGAS NA NOON SA DPWH, MAANGAS PA RIN NGAYON SA DOTr— Sa harap ng media ay harapang pinagalitan ni Department of Transportation (DOTr) Sec. Vince Dizon ang mga opisyal ng Manila International Airport Authority (MIAA) dahil sa kakulangan daw ng mga CCTV sa loob at labas ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Kahit noon na si Sec. Dizon pa ang kalihim ng DPWH ay pinagagalitan niya sa harap ng media ang mga DPWH engineers kapag may nakikita siyang mali sa trabaho ng mga ito.
‘Ika nga, mapa-DOTr at mapa-DPWH, ay talagang ipinakikita ni Sec. Dizon sa publiko na siya ay maangas, boom!





Comments