top of page
Tom Rodriguez at Sam Milby - IG.jpg

Search warrant, 10 days lang ang bisa

Writer: BULGAR
BULGAR
4 hours ago
2 min read

ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | September 18, 2026



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,


Pinasok ang aming bahay ng mga armadong kalalakihan noong Enero 2024. Nagpakilala ang mga ito na pulis at nagpakita ng kanilang mga identification cards. Kasabay nito ay ipinakita rin nila ang search warrant na may petsang ika-20 ng Agosto 2023. Pinalabas kami ng mga nagpakilalang pulis, pati na ang lahat ng tao na nasa loob ng aming tahanan. Nanatili kami sa labas ng bahay at matapos nila itong halughugin ay ipinakita sa amin ang mga ilegal na droga na umano'y nakuha nila sa loob ng aming bahay. Nang kami ay papasukin, tumambad sa amin ang napakagulong bahay at nakatumbang mga aparador at mesa. Nais naming malaman kung tama ba ang ginawa ng mga pulis. — Kim





Dear Kim,


Para sa iyong kaalaman, ang patakaran na sumasaklaw sa sitwasyon na iyong inilahad ay ang Sections 8 at 10 ng Rule 126 (Search and Seizure) ng Revised Rules of Criminal Procedure. Ayon sa probisyon ng nasabing patakaran:


“Section 8. Search of house, room, or premise to be made in presence of two witnesses.- No search of a house, room, or any other premise shall be made except in the presence of the lawful occupant thereof or any member of his family or in the absence of the latter, two witnesses of sufficient age and discretion residing in the same locality.


Section 10. Validity of Search Warrant. - A search warrant shall be valid for ten (10) days from its date. Thereafter it shall be void.” 


Malinaw na nilabag ng mga nagpakilalang pulis ang tamang proseso sa pagpapatupad ng search warrant sa inyong tahanan. Ang search warrant na dala ng mga pulis na may petsang ika-20 ng Agosto 2023 ay wala nang bisa sa kadahilanang balido lamang ang search warrant sa loob ng sampung (10) araw. Bukod pa rito, tanging ang mga nagpakilalang pulis lamang na nagpatupad ng nasabing search warrant ang naiwan sa loob ng bahay at walang naging saksi kung paano nakumpiska ang ilegal na droga sa loob ng inyong tahanan.


Samakatuwid, sa inyong sitwasyon, ang mga nagpakilalang pulis na nagpatupad ng search warrant sa inyong tahanan ay hindi sumunod nang naaayon sa probisyon ng Revised Rules on Criminal Procedure.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyong iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page