SEAG: Women Sibol, naka-gold Hallasgo, silver sa marathon
ni MC / VA - @Sports | May 20, 2022

Naiuwi ng GrindSky Eris ang unang gintong medalya para sa national esports team Sibol sa pagpapatuloy ng 31st Southeast Asian Games sa Hanoi, Vietnam nang idiskaril ang Singapore, 3-0 sa grand finals Miyerkules ng gabi.
Binubuo nina Charize “Yugen” Doble, Gianna “Jeeya” Llanes, Christine “Ray Ray” Natividad, Rose Ann “Hell Girl” Robles, at Angel Danica “Angelailaila” Lozada ang Sibol first women medalists sa SEA Games, mula nang maibilang ang esports sa biennial meet noong 2019.
Bagamat naipuwersa ng Singapore ang Game 4, bumanat si Doble ng quadra kill upang burahin ang gold leap ng kasagupa at matulungan ang team na umangat sa kontensiyon.
Nakuha pa ng Singapore ang Baron Nashor para umariba sa game, pero hindi iyong naging sapat, dahil lumaban pa ang Sibol sa sumunod na ika-22 minuto bago tuluyang nawasak ng Pinay squad ang Nexus ng Singapore at masiguro ang SEA Games gold medal.
Napunta sa Singapore ang silver medal habang ang Thailand ang naka-bronze, matapos tapusin ang hosts Thailand sa bronze medal match.
Samantala, naibulsa naman ni Christine Hallasgo mula sa kampanya ng Philippine athletics team ang silver medal sa My Dihn National Stadium sa marathon.
Malakas sana ang takbo niya sa huling 600 metro, pero bumagal si Hallasgo dahil pinulikat siya pero sinikap pa rin na makatuntong sa runner-up finish sa event bagamat hindi niya naidepensa ang korona noong 2019 SEAG PHL edition.
Tumapos si Hallasgo sa oras na 2:56.07 sa likod ng golden girl na si Odekta Naibaho Elvina (2:55.280). Tersera si Ngoc Hoa Hoang Thi ng Vietnam sa 2:57.350.
Ikapito ang silver ni Hallasgo para sa Team PH sa biennial meet, na may five gold at 14 bronze medals. Nabigo ang team na ipatas o lampasan ang 11 gold, 8 silver at 8 bronze medals ng 2019 SEAG athletics na idinaos sa New Clark City Athletics Stadium sa Tarlac, pero tagumpay pa rin ayon kay Philippine Athletics Track and Field Association head coach Joeffrey Chua ang mga tracksters.





Comments