School activities, dapat dumaan sa safety assessment
- BULGAR

- 11 hours ago
- 2 min read
ni Leonida Bonifacio-Sison @Boses | August 17, 2026

Sa paaralan dapat unang nararamdaman ng isang estudyante ang seguridad, hindi takot na baka mapahamak habang nasa loob ng silid-aralan. Ang insidenteng kinasangkutan ng isang 15-anyos na Grade 10 honor student ay malinaw na paalala na walang aktibidad na dapat isagawa nang isinasantabi ang kaligtasan.
Noong Agosto 11, ang estudyante ay nagbabasa ng kanyang notes sa classroom nang aksidenteng tamaan sa leeg ng palasong pinaputok ng kapwa Grade 10 student. Ayon sa ulat, nagsasanay ang kabilang estudyante para sa nalalapit na Palaro ng Bayan sa loob ng Grade 10 New Building nang mangyari ang insidente alas-4:30 ng hapon.
Dahil dito ay kinailangang sumailalim sa operasyon ang biktima upang alisin ang palaso. Para sa pamilya ng biktima, hindi dapat matapos sa pag-aalala at imbestigasyon ang insidente.
Mahalaga ring linawin na ng school head ang naturang archery practice. Wala rin umanong school personnel na nagbigay ng utos o direktiba para isagawa ito sa loob ng paaralan.
Sa ganitong insidente, hindi sapat ang sabihing aksidente lamang. May mga aktibidad na nangangailangan ng malinaw na lugar, sapat na supervision at mahigpit na safety rules. Dapat ding maunawaan ng mga paaralan na ang paghahanda para sa paligsahan ay hindi dapat maging dahilan para malagay sa panganib ang ibang estudyante.
Ang paaralan ay lugar ng pagkatuto, hindi lugar ng hindi kinakailangang panganib. Kailangang maging aral ang nangyari para masigurong bawat ensayo, paligsahan at school activity ay dumaraan sa tamang pahintulot at safety assessment.
Ang tunay na tagumpay ng isang palaro ay hindi lamang nasusukat sa medalya. Mas mahalaga na matapos ito nang ligtas ang bawat estudyante. Dapat maging malinaw ang panawagan na kaligtasan muna bago laro, at responsibilidad muna bago aktibidad.





Comments