Asian Games, kulang sa suporta dapat tutukan

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | October 1, 2026

Bilang chairperson ng Senate Committee on Sports, nag-file ako ng Senate resolution para magkaroon tayo sa komite ng komprehensibong post-evaluation hearing kapag natapos ang kompetisyon ng ating national athletes sa 20th Asian Games na ginaganap sa Aichi-Nagoya, Japan. Magtatapos ang Asian Games sa darating na October 4.
Sa aking manifestation sa Senado nitong September 28, inihayag natin na dapat suriin ang naging partisipasyon ng buong delegasyon ng Pilipinas, kabilang na ang suportang ibinigay sa ating mga national athletes at ang mga problemang naranasan nila sa panahon ng kompetisyon.
Partikular na nakarating sa aking atensyon ang mga naging karanasan ng Alas Pilipinas Men’s Volleyball Team at ang diumano’y kakulangan ng budget para sa koponan. Nais natin sanang matugunan agad ang mga ganitong hinanaing mula sa ating mga atleta upang hindi maapektuhan ang kanilang paghahanda at paglalaro at mas mapabuti ang performance sa mga susunod na kompetisyon.
Nananawagan ako sa Philippine Sports Commission (PSC), Philippine Olympic Committee (POC), at Philippine National Volleyball Federation (PNVF) na magtulungan upang maayos ang mga problemang ito.
Ang ating mga atleta ay dapat nakatutok lamang sa kanilang paglalaro. Hindi na nila dapat isipin ang mga problema sa pamamalakad ng mga organisasyong nangangasiwa sa kanila. Dapat sapat ang kanilang suporta pagdating sa allowances, kagamitan, pagkain, accommodation, at iba pang pangangailangan habang kinakatawan nila ang ating bansa.
Nakakalungkot isipin na pati sa sports ay mayroon ding politika. Sana naman ay huwag nang madamay ang ating mga atleta sa anumang hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng mga sports organization.
Personal akong nagtungo sa Nagoya upang magbigay ng suporta sa Team Philippines at makita ang ilan sa ating mga atleta habang nakikipagkompetisyon. Nakipag-ugnayan na rin ako, kasama ang aking opisina, hinggil sa mga concern na ipinaabot sa akin sa naturang pagbisita.
Humigit-kumulang 400 Filipino athletes ang kalahok sa 2026 Asian Games. Habang nagpapatuloy pa ang kompetisyon, ang kapakanan nila ang dapat nating unahin.
Patuloy nating sinusuportahan sa Senado ang budget ng PSC bilang pangunahing ahensiya ng pamahalaan para sa sports development. Kaya mahalaga rin na masiguro nating napupunta sa nararapat ang suportang inilalaan para sa ating mga atleta.
Sa gagawin nating post-evaluation hearing, nais kong tanungin ang PSC, POC, at mga NSA tungkol sa kanilang naging paghahanda, koordinasyon, at suportang ibinigay sa buong Philippine delegation. Aalamin din natin ang mga naging pagkukulang at kung ano ang maaaring gawin upang maiwasan ang kaparehong problema sa mga susunod na international competition.
Nais ko ring mabigyan ng pagkakataon ang ating mga atleta na maiparating ang kanilang mga karanasan at pangangailangan. Mahalaga na mapakinggan natin sila dahil sila mismo ang humaharap sa kompetisyon at nagdadala ng bandila ng Pilipinas.
Samantala, binabati ko ang lahat ng ating mga atletang nakapag-uwi na ng medalya mula sa Nagoya.
Congratulations kay Carlos Yulo sa kanyang dalawang gold medals sa artistic gymnastics, gayundin sa kanyang nakababatang kapatid na si Carl Eldrew Yulo na nakakuha ng bronze medal sa men's horizontal bar event.
Binabati ko rin ang Philippine Women's 3x3 Basketball Team, Women’s Sepak Takraw at si John Claude Saclag sa kanilang silver medals.
Congratulations din kina John Cabang Tolentino, Albert Ian delos Santos, Marie June Adriano, at Carlos Alvarez, gayundin sa Philippine Women's Karate Team, Philippine Women's Soft Tennis Team, Men’s Sepak Takraw team at Sibol Philippine National Esports Team sa kanilang mga bronze medal.
Ipinaaabot ko rin ang aking pakikiramay sa pamilya ni Gerry Carreon, asawa ni Gymnastics Association of the Philippines President Cynthia Carreon, sa kanyang pagpanaw habang nagpapatuloy ang Asian Games.
Sa lahat ng ating mga atletang patuloy pang lumalaban sa Nagoya, good luck po sa inyong lahat. Umaasa akong madaragdagan pa ang ating mga medalya sa mga natitirang araw ng kompetisyon.
Bilang inyong senador at chairperson ng Senate Committee on Sports, patuloy kong tututukan ang mga usaping may kinalaman sa kapakanan ng ating mga atleta. Nais kong makatulong upang mas maayos ang kanilang paghahanda, mas sapat ang suportang natatanggap nila, at mas napapakinggan ang kanilang mga concern.
Mabuhay ang Team Philippines! Go lang nang go!
Samantala, noong September 24, sa kabila ng malakas na ulan, personal akong nagtungo sa Caloocan City upang maghatid ng tulong sa 75 biktima sa Barangay 23, sa pakikipag-ugnayan kay Barangay Captain Rodolfo Bustamante. Sinuportahan din natin ang mga local vendors at binigyang-diin ang kahalagahan ng pagtangkilik sa sariling atin.
Mula sa Caloocan, dumiretso rin tayo sa Parañaque City upang magbigay ng tulong sa 132 pamilyang naapektuhan ng sunog sa Barangay Vitalez, sa pakikipag-ugnayan kay Barangay Captain Alex Alvarez.
Samantala, noong nakaraang linggo, patuloy rin ang ating Malasakit Team sa paglalapit ng serbisyo ng gobyerno sa mga nangangailangan. Agad silang naghatid ng tulong sa mga nasunugan sa Valenzuela City, Malabon City, Pagadian City sa Zamboanga del Sur, at Talisay City sa Cebu.
Nag-abot din tayo ng tulong sa mga indigent residents mula sa Muntinlupa City at Kalawit, Zamboanga del Norte. Mayroon din tayong mga kababayan sa Pasacao, Camarines Sur na nabigyan ng pansamantalang trabaho, habang namahagi rin tayo ng karagdagang tulong sa mga scholars sa Malabon City.
Patuloy akong tutulong at magseserbisyo sa abot ng aking makakaya dahil bisyo ko ang magserbisyo at naniniwala ako na ang serbisyo sa tao ay serbisyo rin sa Diyos.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.





Comments