top of page
Atasha Muhlach as Annie Batungbakal - IG.jpg

Setyembre, ideklarang National Family Month

Writer: BULGAR
BULGAR
2 hours ago
2 min read

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | October 1, 2026



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian


Nakasaad sa ating Saligang Batas na ang pamilya ang nagsisilbing pundasyon ng ating bansa. 


Hindi lamang kinikilala ng ating Saligang Batas ang kabanalan ng buhay pamilya, binibigyan din nito ang estado ng mandatong patatagin ang pamilyang Pilipino bilang batayang pundasyon ng ating lipunan. 


Kaya naman, iba’t ibang batas at polisiya na ang ipinasa at patuloy na ipinapatupad upang itaguyod ang Pamilyang Pilipino. Una rito ang Executive Order No. 209 series of 1987 o ang Family Code of the Philippines, kung saan binigyang-diin ang mahalagang papel ng mga pamilya bilang pundasyon ng ating lipunan. Hanggang sa kasalukuyan, ang Family Code pa rin ang batayan ng pagpapatakbo ng Pamilyang Pilipino. 


Noong 18th Congress (2019-2022), isinulong din ng inyong lingkod ang Parent Effectiveness Service (PES) Program Act (Republic Act No. 11908). Itinatag ng naturang batas ang PES Program upang paigtingin ang kaalaman at kakayahan ng mga magulang sa pagtupad ng kanilang mga tungkulin, lalo na iyong mga may kinalaman sa edukasyon ng mga kabataan. Sa ilalim ng batas na ito, mandato sa mga local government units ang pagpapatupad ng PES program. 


Nariyan din ang mga batas upang tiyakin ang proteksyon sa mga kababaihan at mga kabataan. Kabilang dito ang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act (Republic Act No. 7610), ang Anti-Violence Against Women and their Children Act of 2004 (Republic Act No. 9262), ang Anti-Online Sexual Abuse or Exploitation of Children (OSAEC) and Anti-Child Sexual Abuse or Exploitation Materials (CSAEM) Act (Republic Act No. 11930), at iba pa.


Upang kilalanin at itaguyod ang mga solo parents, nariyan ang Expanded Solo Parents Welfare Act (Republic Act No. 11861). Kinikilala ng batas na ito ang mga hamong kinakaharap ng tinatayang 15 milyong solo parents, at nagbibigay ng kaukulang proteksyon. Batay sa mga pag-aaral, lumalabas na 95% ng mga solo parents ay mga babae. 


Ilan lamang ito sa mga batas na nagtataguyod ng kapakanan ng pamilyang Pilipino. Tuwing huling linggo naman ng Setyembre, ipinagdiriwang natin ang Family Week, alinsunod sa Proclamation No. 60 (Series of 1992). 


Kung mapapalawig natin ang pagdiriwang na ito, mas mapapalawak natin ang kaalaman ng ating mga kababayan. Mabibigyan din natin ng pagkakataon ang mga ahensiya ng pamahalaan at iba’t ibang sektor na mag-ugnayan at magpalawak ng mga programa. Higit sa lahat, mabibigyang-diin natin ang kahalagahang ibinibigay natin sa pamilyang Pilipino.


Kaya naman inihain ng inyong lingkod ang Proposed Senate Resolution No. 686 upang hikayatin ang pamahalaan na ideklara ang Setyembre bilang National Family Month. Kung nais nating magtagumpay ang ating bansa, kailangan nating tiyakin na matibay ang pundasyon nito: ang Pamilyang Pilipino.




May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page