top of page

SC ruling, patunay na puwedeng makalusot ang President at VP

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 4 hours ago
  • 2 min read

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | February 2, 2026



Prangkahan ni Pablo Hernandez


KUNG NABIYAYAAN SI VP SARA SA BAGONG RULING NG SC SA IMPEACHMENT, TIYAK MABIBIYAYAAN DIN SI PBBM – Hindi lang si Vice President Sara Duterte ang nabiyayaan ng bagong ruling ng Supreme Court (SC) patungkol sa impeachment, kundi pati si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (PBBM).


Ayon sa bagong ruling, ang unang impeachment case na isasampa sa Kamara laban sa isang impeachable officer ay itinuturing nang final. Kapag may susunod na impeachment case sa loob ng isang taon, ito ay paglabag na sa 1-year bar rule, kaya lusot na sa pagkakasibak ang ini-impeach.


Dati, kahit ilang impeachment cases ang isampa sa Kamara ay pinapayagan, basta’t isang Articles of Impeachment lang ang isasampa sa Senado.


Ito rin ang naging batayan ng SC sa paglutas sa kaso ni VP Sara. Binilang ng SC ang tatlong magkakasunod na impeachment na isinampa noong Disyembre 2, 4, at 19, 2024, at idinagdag pa ang isa noong Pebrero 5, 2025, kaya lumabag sa 1-year bar rule at nakalusot siya sa impeachment.


Ganito rin ang maaaring mangyari kay PBBM. Unang sinampahan ng impeachment noong Enero 19, 2026, at sinundan ng isa pang case noong Enero 27, 2026. Kapag nagpetisyon ang mga abogado ng Pangulo sa SC na labag ito sa 1-year bar rule, posibleng lusot din siya sa impeachment. Boom!


XXX


SA FEB. 6, MAGSASAMPA RAW NG IMPEACHMENT ANG MAKABAYAN BLOC LABAN KAY VP SARA, ‘PAG NAGSAMPA RIN NG KUNWARI-WARIANG IMPEACHMENT ANG MGA DDS LABAN KAY VP, LUSOT NA ULI SIYA SA IMPEACHMENT – Noong Pebrero 6, 2026, kinumpirma ng Makabayan bloc na magsasampa sila ng impeachment case laban kay VP Sara sa Kamara. Ngunit dahil sa bagong ruling ng Korte Suprema, imposible na ma-impeach ang bise presidente.


Pagsapit ng Pebrero 7, 2026, nagsampa rin ang mga DDS ng impeach­ment case laban kay VP Sara. Dahil dito, dalawang kasong impeachment na ang naitala, na lumalabag sa one-year bar rule, kaya muling ligtas ang bise presidente sa impeachment. Period! 


XXX


ERPAT NI PBBM, NAGDEKLARA NOON NG MARTIAL LAW DAHIL PINAGRI-RESIGN NG MGA KOMUNISTA, GAYAHIN KAYA NIYA ITO DAHIL PINAGRI-RESIGN SIYA NG MGA DDS? – Noong panahon ni Pangulong Ferdinand E. Marcos Sr., dahil sa madalas na protesta at panawagan ng mga komunista para siya ay magbitiw, idineklara niya ang martial law.Sa panahon naman ng kanyang anak, si Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr., may posibilidad na gayahin niya ang ginawa ng kanyang ama kung magpapatuloy ang protesta at panawagan ng mga Duterte Diehard Supporters (DDS) na siya ay mag-resign. Boom! 


XXX


PABIDA LANG KAYA NG AMLC NA NA-FREEZE NA NILA ANG HIGIT P24B ARI-ARIAN NG MGA SANGKOT SA FLOOD CONTROL SCANDAL? – Ibinida ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) na na-freeze na nila ang mahigit P24 bilyon na pinagsamang ari-arian ng mga sangkot sa flood control scandal.


Ngunit hindi malinaw kung totoo ito, dahil hindi nila isinapubliko kung kaninong mga ari-arian ang isinailalim sa freeze order. Period!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page