top of page
WINNER - BEAUTY QUEEN GF NI SANTINO, NAPAGKAMALANG TRANSGENDER-IG _ashleysubijano.jpg

Sana tuluyan nang baklasin ang oil vat at excise tax para guminhawa naman ang bayan

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Apr 14
  • 2 min read

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | April 14, 2026



Prangkahan ni Pablo Hernandez


SA TIGIL-PASADA NG TRANSPORT ORGANIZATIONS, HINDI NAMAN MGA DE-KOTSENG GOV'T. OFFICIALS ANG TINATAMAAN, KUNDI MGA ORDINARYONG MAMAMAYAN – Maglulunsad na naman ng tatlong araw na tigil-pasada, mula Abril 15 hanggang Abril 17, ang transport group na Manibela dahil umano may mga transport workers na hindi naisama sa listahan ng service contracting program ng gobyerno.


Sa gitna ng krisis, umaasa ang ilan na pansamantalang iwasan muna ang ganitong hakbang, dahil hindi naman ang mga opisyal ng pamahalaan ang direktang naaapektuhan nito—karamihan sa kanila ay may sariling sasakyan. Sa halip, ang higit na naaapektuhan ay ang mga pasahero o ordinaryong mamamayan na umaasa sa pampublikong transportasyon para sa kanilang araw-araw na biyahe. Period!


XXX


SANA SA SUSUNOD NA MAG-AANUNSYO SI PBBM, ANG INANUNSYO NIYA SUSPENSYON SA OIL VAT AT OIL EXCISE TAX – Dahil sa pagbaba ng presyo ng langis sa international market, mismong si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (PBBM) ang nag-anunsyo ng oil price rollback: ₱20.89 kada litro ng diesel, ₱4.43 kada litro ng gasolina, at ₱8.50 kada litro ng kerosene.


Sana, ang susunod na ianunsyo ni PBBM ay ang pagsuspinde sa oil value-added tax (VAT) at oil excise tax upang kahit papaano ay maibsan ang pasanin ng mga transport worker at motorista sa patuloy na mataas na presyo ng langis sa bansa. Period!


XXX


ANO KAYA ANG 'PASABOG' NI RAMIL MADRIAGA LABAN KAY VP SARA? – Ngayong araw magsisimula ang impeachment hearing ng House Justice Committee laban kay Vice President Sara Duterte. Isa sa inaasahang tututukan ng publiko ay ang testimonya ng detenidong si Ramil Madriaga, na isang suspek sa kaso ng kidnapping at nagsasabing dating umano siyang naging bagman ng bise presidente.


Ayon sa mga ulat, inaasahang ilalahad ni Madriaga sa pagdinig ang kanyang mga paratang kaugnay sa umano’y papel niya sa isyu, habang patuloy itong sinusuri ng mga awtoridad at ng komite.


Mahigpit na binabantayan ng publiko ang mga magiging pahayag sa pagdinig na ito. Abangan!


XXX


NOON AY UMATRAS SI MAYOR BASTE SA BOXING NILA NI RET. GEN. TORRE KAYA ANG TANONG; UMATRAS KAYA ULI ANG DAVAO CITY MAYOR KAPAG ITO ANG MAKAKALABAN NIYA SA 2028 PRESIDENTIAL ELECTION? – Kung sakaling ma-impeach si VP Sara at si Davao City Mayor Baste Duterte ang maging presidential candidate ng PDP-Laban, at kung magpasya si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na hindi na tumakbo sa susunod na halalan, maaaring isulong ng administrasyon si MMDA General Manager at dating PNP Chief Gen. Nicanor Torre bilang kanilang kandidato sa 2028 presidential election.


Matatandaang naghamunan pa ng suntukan o boxing sina Mayor Baste at retired Gen. Torre. Nang maayos na umano ang lugar at petsa ng kanilang laban, umatras si Baste at hindi sumipot, at nagtungo pa umano sa Singapore.


Baka sakali, kung si Gen. Torre ang maging katunggali sa 2028, muli na namang iwasan ni Mayor Baste ang laban. He-he-he!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page