top of page

Sana hindi pabida lang, dapat totoong kakasuhan ni Remulla ng plunder sina Escudero at Romualdez

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 2 hours ago
  • 2 min read

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | April 8, 2026



Prangkahan ni Pablo Hernandez


SANA TOTOONG KAKASUHAN NI OMBUDSMAN REMULLA NG PLUNDER SINA SEN. ESCUDERO AT CONG. ROMUALDEZ – Inanunsyo ni Ombudsman Boying Remulla na sa susunod na buwan ay sasampahan umano ng kasong plunder sina Senador at dating Senate President Chiz Escudero, gayundin si Leyte 1st District Rep. at dating Speaker Martin Romualdez, kaugnay ng umano’y pagkakasangkot sa flood control scandal.

Umaasa ang marami na matutuloy ang pagsasampa ng kaso at hindi lamang ito magiging palabas o pagpapabida sa publiko. Boom!


XXX


BASE SA SURVEY NG TANGERE FIRM, ‘PAG NA-IMPEACH SI VP SARA, KAHIT PA SI SEN. BAM AQUINO 'MANUKIN' NI PBBM SA 2028 PRESIDENTIAL ELECTION, TATALUNIN ITO NI SEN. BONG GO – Noong March 24, 2026, naglabas ng survey ang Tangere kung saan tinukoy kung sino ang posibleng iboto ng taumbayan sa pagka-presidente sakaling ma-impeach at hindi makatakbo si Vice President Sara Duterte.

Batay sa resulta, nanguna si Sen. Bong Go na may 38% rating, habang pumangalawa si Sen. Bam Aquino na may 29%.


Dahil sa dami ng batas na naiakda at sa personal na pagtulong ni Sen. Bong Go sa mamamayan, hindi na rin kataka-taka kung siya ang mangunguna sa 2028 presidential race sakaling matuloy ang naturang senaryo.

Sa ganitong pananaw, kahit pa si Sen. Bam Aquino ang suportahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., tila mahihirapan pa rin itong talunin si Sen. Bong Go. Period!


XXX


DAPAT IPA-STOP NI GOV. GUICO ANG JUETENG SA PANGASINAN KASI BAKA ITO MAGING DAHILAN PARA MATALO SIYA SA 2028 ELECTION AT MAGING – Noong si Amado Espino III pa ang gobernador ng Pangasinan, walang naglalakas-loob na mag-operate ng jueteng sa lalawigan. Ngunit sa ilalim ng kasalukuyang pamumuno ni Ramon Guico III, umuusbong umano ang operasyon ng jueteng na pinangungunahan ni “Jesse.”


Dahil dito, nananawagan na dapat atasan ni Gov. Guico ang kapulisan na dakpin si “Jesse” upang tuluyan nang matigil ang umano’y ilegal na pangraraket sa mga taga-Pangasinan.


Kung hindi ito agad maaaksyunan, maaaring makaapekto ito sa kanyang political standing at maging isyu sa darating na halalan sa 2028—na posibleng magbukas ng pagkakataon para sa pagbabalik ni Amado Espino III bilang gobernador. Boom!


XXX


ATONG ANG NAKAPUSLIT SA ‘PINAS, NAGTATAGO NA SA VIETNAM KAYA'T DAPAT SIBAKIN NA NI PBBM SI IMMIGRATION COMMISSIONER JOEL VIADO – Kinumpirma ni DILG Secretary Jonvic Remulla na nakapuslit palabas ng Pilipinas ang most wanted na gambling tycoon na si Charlie “Atong” Ang at kasalukuyang nagtatago umano sa Vietnam.


Ayon sa ulat, hindi sana siya nakalabas ng bansa kung mahigpit na nabantayan ng Bureau of Immigration (BI) ang mga posibleng backdoor, partikular sa Mindanao. Gayunman, tila nagkulang sa ganitong hakbang ang pamunuan ng ahensya.

Dahil dito, iginiit na dapat agarang kumilos si Pangulong Bongbong Marcos at sibakin sa puwesto si BI Commissioner Joel Viado. Period!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page