top of page

Sambong, mabisang gamot iwas-UTI at kidney stones

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 1 hour ago
  • 3 min read

ni Dr/Atty. Erwin P. Erfe, M.D. @Sabi ni Doc | March 11, 2026



Sabi ni Doc Sambong


Dear Doc Erwin,


Isa ako sa mga regular na sumusubaybay sa Sabi ni Doc column sa BULGAR newspaper. Maraming salamat sa inyong patuloy na paghahatid ng mga makabagong pag-aaral at praktikal na payo tungkol sa kalusugan, na malaking tulong sa aming pang-araw-araw na buhay.


Ako ay na-diagnose na may kidney stones. Nais ko sanang magtanong tungkol sa halamang gamot na Sambong. Madalas ko itong naririnig na ginagamit para sa mga taong may kidney stones. 


Ano ba ang Sambong at paano ito nakakatulong sa kalusugan ng ating bato at daanan ng ihi? Totoo bang nakakatulong ito upang mailabas ang kidney stones? May epekto rin ba ito laban sa urinary tract infection (UTI) at iba pang mga benepisyo sa katawan?


Ano rin ang tamang paraan ng pag-inom ng Sambong at ilang milligrams ang karaniwang dose nito? At ligtas ba itong inumin ng regular? — Diana



Maraming salamat, Diana sa iyong pagliham sa BULGAR newspaper at sa Sabi ni Doc column.


Ang Sambong o Blumea balsamifera ay isang halamang gamot na matagal nang ginagamit sa Pilipinas para sa mga sakit sa bato at daanan ng ihi na kinikilala ng Department of Health (DOH). Kilala ang Sambong sa tradisyunal na medisina bilang diuretic o pampaihi.


Sa maraming pag-aaral, nagpapakita na ang Sambong ay may epekto na pampaihi. Kapag naglabas ng mas maraming ihi, nababawasan ang pag-ipon ng crystals o mga mineral sa loob ng bato na pinagmumulan ng kidney stones o bato sa bato. Ito ang magiging daan ng paglabas ng kidney stones. Ayon sa mga doktor, may mga pasyente na nakapagpapatotoo na may maliliit na kidney stones na kanilang nailalabas matapos ang pagkonsumo ng Sambong.


May isa pang mekanismo na pinag-aralan ang mga eksperto. Natukoy sa mga pag-aaral na ang Sambong ay may mga sangkap na may epekto sa pagluwag ng daanan ng ihi, pagbabawas ng pamamaga at pagdikit ng maliliit na bato sa daanan ng ihi. Kapag hindi dumikit ang mga maliliit na bato sa daanan ng ihi, nababawasan ang pagbuo ng kidney stones.


Sa ilang pag-aaral, napatunayan na ang pagliit ng kidney stones sa mga pasyente na uminom ng Sambong sa loob ng ilang linggo ay kasabay ng pag-inom ng maraming tubig. Ang pag-inom ng tubig ay mahalagang bahagi ng pag-iwas sa kidney stones at iba pang klaseng sakit. Hindi magiging sapat ang epekto ng Sambong kung hindi lalakipan ng pag-inom ng maraming tubig.


Sa iba pang mga pananaliksik, mas kapansin-pansin ang epekto ng Sambong sa maliliit na kidney stones kumpara sa malalaking kidney stones. Sa ganitong sitwasyon, kadalasan ay kailangan pa rin ng ibang paraan tulad ng ibang mga gamot o kaya operasyon.


Sa isang pag-aaral na inilathala sa Asian Pacific Journal of Tropical Biomedicine noong 2014, nakita ang epekto ng Sambong laban sa ilang bacteria. Kabilang dito ang mga mikrobyo na nagdudulot ng urinary tract infection (UTI). Ang resulta na ito ay nagbigay ng interes sa mga mananaliksik na posibleng may papel ang Sambong sa kalusugan ng ating bato at daanan ng ihi.


May iba pang aspeto na pinag-aaralan ang mga siyentista sa anti-inflammatory effects o nakakabawas sa pamamaga ang Sambong. Maaari ring makatulong ang nasabing halamang gamot sa mga sakit na may kaugnayan sa pamamaga gaya ng arthritis o rayuma at mga impeksyon. 


Sa ilang produkto, ang karaniwang dose ay nasa 250 milligrams hanggang 500 milligrams ng leaf extract na iniinom ng ilang beses bawat araw, depende sa rekomendasyon ng doktor. Para sa tsaa, ginagawa ang paraan na ito: pakuluan ang dahon ng Sambong sa tubig, palamigin nang kaunti, inumin bilang tsaa.


Mahalagang tandaan ang ilang paalala tulad ng pag-iwas sa labis na pag-inom ng mga herbal supplements. Ang mga taong may sakit sa bato na nasa advanced stage o nasa progresibong kalagayan na ng karamdaman ay nangangailangan ng payo ng doktor bago uminom ng mga halamang gamot. Ang buntis at nagpapasuso ay nangangailangan din ng gabay ng mga health professional.


Mahalagang paalala na ang halamang gamot ay hindi kapalit ng pagsusuri at gamutan mula sa doktor. Kung ikaw ay may sintomas tulad ng matinding sakit sa tagiliran, dugo sa ihi, lagnat kasabay ng pananakit ng likod, at iba pa, mahalagang magpatingin agad sa doktor. Ang mga sintomas na ito ay posibleng senyales ng komplikasyon sa bato. Ang tamang impormasyon at tamang paggamit ng halamang gamot ang susi sa ligtas na pangangalaga ng kalusugan. (Dr. Gabriel Mark P. Mercado, RN, MD, CFP)


Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page