top of page
BULGARY - VINCENT CO, TODO-IWAS SA MEDIA-FB Caesar Vallejos.jpeg

Salamat Alex, salamat Kat

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Apr 11
  • 3 min read

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | April 11, 2026



Fr. Robert Reyes


Kilalang-kilala sa buong bansa si Alex Eala, ang kauna-unahang world-class na tennis player na Pinay. Masayang sinusubaybayan ng mga mamamayan ang kanyang paglalakbay saan mang panig ng mundo, at lalo siyang ginaganahan sa tuwing nakikita ang suporta ng kanyang mga kababayan.


Malinaw kay Alex kung bakit niya ginagawa ang kanyang ginagawa—mahal niya ang tennis, na sinimulan niya noong bata pa siya. Ngunit higit pa rito, mahal niya ang kanyang bansa. Batid niyang hindi lang siya ang lumalaban sa bawat laban, kundi kasama niya ang buong sambayanan. Ang bawat karangalang kanyang tinatanggap ay karangalan din ng bawat Pilipino, lalo na sa panahong higit itong kinakailangan.


Gayunman, hindi lamang paghanga at panonood ang hinihingi ng pagkakataon. Ang kanyang sipag at pagpupunyagi ay paalala sa bawat isa na gawin din ang ating bahagi para sa bayan. Kahanga-hanga ang kuwento ng kanyang buhay—at nawa’y maging inspirasyon ito upang ang bawat isa sa atin ay makabuo rin ng sariling kuwentong maipagmamalaki.


Noong isang araw, nakatanggap kami ng isang mensahe mula sa kaibigan: “Happy Easter, Father,” kalakip ang isang digital na larawan ng artikulo mula sa pahayagan na may pamagat na “A Filipina ‘knight’ in France.” Ito ay tungkol sa kanyang anak na si Kat Borlongan, na ginawaran ng Order National du Mérite, isa sa pinakamataas na parangal sa France, bilang pagkilala sa kanyang kontribusyon sa larangan ng digital technology.


Naging pinuno rin siya ng French Tech Mission sa ilalim ni President Emmanuel Macron.

Matagal ko nang kilala si Kat, pati na ang kanyang mga magulang na sina Ted at Dolly. Nakilala ko si Ted noong siya pa ang presidente ng Urban Bank. Noong 2004, nakiusap siya sa akin na tumulong sa pagsagip sa bangko na nanganganib ipasara ng Bangko Sentral ng Pilipinas sa ilalim ni Raphael “Paeng” Buenaventura.


Isang mahusay at matino si Ted, ngunit naharap siya sa matitinding puwersang nais ipasara ang bangko. Naniniwala siyang kaya pa itong maisalba, kaya isinagawa namin ang tinawag na “Bank Run to Save Urban Bank.” Nang mabalitaan ito ni Buenaventura, personal siyang dumalaw sa parokya sa UP Diliman kasama si Ombudsman Aniano Desierto upang pakiusapan kaming huwag ituloy ang plano dahil maaari itong magdulot ng panic. Iminungkahi pa niyang palitan ang pangalan nito. Ngunit sa kabila nito, itinuloy pa rin namin ang napagkasunduan.


Sa mga sumunod na buwan, lalong naging mabigat ang sitwasyon ng Urban Bank. Noong Abril 5, 2005, nagulat ang lahat sa balita ng pagpanaw ni Ted Borlongan sa puntod ng kanyang mga magulang sa Loyola Memorial Park.


Bago ang trahedyang ito, nakaalis na si Kat patungong France sa edad na 19, dala ang kanyang mga pangarap. Inutang pa niya ang pamasahe sa eroplano upang makapagsimula. Hindi man sang-ayon ang kanyang ama sa kanyang desisyon, nanaig ang kanyang determinasyon.


Lubhang masakit ang pagkawala ni Ted para sa kanyang pamilya. Ngunit sa kabila nito, nagpatuloy sila at naging matagumpay sa kani-kanilang larangan. Tulad ng nasabi ko kay Dolly kamakailan, hindi natin alam kung kailan at paano matutupad ang ating mga pangarap—ngunit darating ang mga ito. Maaaring nagsara ang Urban Bank, ngunit nagbukas naman ang maraming oportunidad para sa kanyang pamilya.


Ngayong Abril 11 ay ginugunita ang anibersaryo ng pagpanaw ni Ted—ang parehong araw ng pagpanaw ng aking ina noong 2021. Isang mapayapang isipin na marahil ay nagkita na sila sa langit.


Binabati kita, Kat. Sumalangit nawa si Ted.


Salamat, Alex. Salamat, Kat. Dalawang kahanga-hangang Pilipina na nagbibigay dangal sa ating minamahal na bayan.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page