Saksing naglaho, hustisya nabaon
- BULGAR

- Dec 22
- 6 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | Dec. 22, 2025
ISSUE #378
Upang makamit ng isang biktima ang hustisya sa kasong kriminal, hindi sapat na merong nakasaksi sa naganap na krimen o may nagpahayag kung sino ang salarin. Kinakailangan ding ang pagtestigo ng saksi ay may legal na timbang at tunay na halaga, at ang kanyang salaysay ay personal na kaalaman na maipapahayag sa hukuman hinggil sa krimen at sa gumawa nito.
Mawawalan ng saysay ang anumang impormasyong maaaring magamit upang malutas ang isang krimen kung ito ay hindi magmumula sa mismong taong nakasaksi, maliban na lamang sa ilang mga eksepsiyon na pinahihintulutan ng ating batas, partikular sa ilalim ng Rules of Court.
Ang kasong kriminal na ating ibabahagi sa araw na ito, na may pamagat na People of the Philippines vs. Pablito Pajaroja y Cadalen and Ryan Agkis @ Ayan (Criminal Case No. S-7396, September 22, 2017), ay malinaw na pagsasalarawan ng kapalaran ng isang biktima ng krimen na hindi nakamit ang hustisya dahil ang mga taong pinaniniwalaang may mahalagang kaalaman hinggil sa naganap na krimen at sa mga salarin nito ay nabigong tumestigo o dumalo sa mga pagdinig sa hukuman.
Sama-sama nating tunghayan ang kuwento na ito.
Kasong murder ang inihain laban kina Pablito at Ryan sa Regional Trial Court ng Siniloan, Laguna (RTC Siniloan, Laguna) kaugnay sa naganap na pananaga at kalaunang
pagpanaw ng biktima na nagngangalang Ulderico.
Si Pablito ay naaresto at binasahan ng sakdal noong ika-22 ng Hulyo 2009. “Not guilty” ang kanyang naging pagsamo sa hukuman ng paglilitis. Ang akusado naman na si Ryan ay nanatiling at-large.
Apat na saksi para sa tagausig ang dumalo sa pagdinig at ipinrisinta sa hukuman ng paglilitis – si Virginia, ang naulila na maybahay ng biktima; sina PO3 Perez at PO3 Aninao, ang mga pulis na umaresto kay Pablito; at si Dr. Tamares, ang sumuri sa bangkay ng biktima.
Batay sa testimonya ni Virginia, bandang alas-7:30 ng gabi, noong ika-23 ng Oktubre 2008 nang matanggap niya ang balita na tinaga ang kanyang asawa na si Ulderico at binawian na ito ng buhay. Nagmula umano ang nakapanlulumong balita sa kanilang anak na si Regina na umuwing umiiyak mula sa pinangyarihan ng insidente. Nang tanungin ni Virginia si Regina kung sino ang salarin sa nasabing pamamaslang, mga pangalan nina Pablito at Ryan ang diumano’y sinabi nito.
Isinalaysay rin diumano sa kanya ni Regina na makailang-ulit itong nawalan ng malay noong matuntun niya ang pinangyarihan ng insidente. Nawalan din umano ng malay si Regina noong makauwi na ito sa kanilang bahay upang ibalita ang karumal-dumal na sinapit ng haligi ng kanilang tahanan.
Sa isinagawang cross-examination kay Virginia, kanyang ipinahayag na hindi niya nasaksihan ang mismong pagkakataga at pagkakapaslang kay Ulderico, at tanging ang kanyang anak na si Regina lamang ang nagbalita sa kanya ukol sa insidente. Nang sabihin diumano sa kanya ni Regina na sina Pablito at Ryan ang mga salarin sa pamamaslang ay agad siyang naniwala sapagkat nanggaling diumano mismo si Regina sa pinangyarihan ng insidente.
Isang nagngangalang Percival ang diumano ay nakasaksi sa krimen, subalit sa parehong mga taon ng 2011 at 2012 ay hindi ito dumalo sa pagdinig sa hukuman.
Ang ilang ulit na pagsasawalang-bahala ni Percival ang naging dahilan upang maghain ng mosyon ang depensa na kung saan kanilang hiniling ang pagsasantabi ng testimonya ng naturang saksi.
Ipinagkaloob ang nasabing hiling sa bisa ng kautusan ng hukuman ng paglilitis na merong petsa na ika-23 ng Pebrero 2013.
Ang hindi pagsipot ni Percival ay nangangahulugan na pagkabigo ng tagausig na maiprisinta ang maaari sanang naging susi sa hindi makatarungang pagkakapaslang kay Ulderico.
Noong ika-30 naman ng Hulyo 2014 nang dumalo sa paglilitis si PO3 Aninao. Inihayag ng panig ng tagausig na siya ay magpapahayag ng kanyang testimonya, ngunit kalaunan ay hindi na rin ito ginamit pa sa pag-uusig laban kay Pablito.
Si Dr. Tamares ay dumalo sa paglilitis noong ika-10 ng Disyembre 2014. Upang mapabilis ang paglilitis, kapwa itinakda ng tagausig at depensa na si Dr. Tamares ang sumuri sa bangkay ni Ulderico, at na siya ring nagsagawa ng anatomical diagram, post mortem examination at death certificate ng nabanggit na biktima.
Noong ika-17 naman ng Hunyo 2015 nang dumalo sa pagdinig si PO3 Perez. Kapwa pinagkasunduan ng tagausig at depensa na si PO3 Perez, kasama si PO3 Aninao, ang umaresto kay Pablito, at hindi nakita o nasaksihan ng mga ito ang insidente na nagdala kay Ulderico sa kanyang huling hantungan.
Matapos na pormal na maisumite ng tagausig ang lahat ng kanilang mga minarkahan na ebidensya, hiniling ng depensa, sa pamamagitan ng isang mosyon, na maipagkaloob sa kanila ang pagkakataon na makapaghain ng Demurrer to Evidence. Ito ay pinahintulutan ng hukuman ng paglilitis noong ika-18 ng Mayo 2016.
Hindi nagsumite ang tagausig ng kanilang komento o oposisyon sa inihaing Demurrer to Evidence ng Depensa gayung pinagkalooban sila ng hukuman ng paglilitis ng pagkakataong makapagsumite nito.
Sa pagpapasya sa kasong ito, ipinaliwanag ng RTC Siniloan, Laguna na ang paghahain ng Demurrer to Evidence ay nangangahulugan ng pagtutol ng naghain na partido sa paglilitis o pagpapatuloy ng legal na usapin bunsod ng kakulangan sa ebidensya ng kabilang partido sa punto ng batas, maging totoo man o hindi.
Sa mga kasong kriminal, ito ay paraan ng paghiling ng akusado sa hukuman na suriin ang ebidensya na ipinrisinta ng tagausig laban sa kanya at kung sapat ang mga ito upang mapanatili ang isang hatol ng pagkakasala nang higit pa sa makatuwirang pagdududa.
Ang pagdedesisyon ng hukuman sa naturang hiling ay katumbas ng pagdedesisyon batay sa merito ng kaso. Kung kaya’t, ang pagkakaloob ng hukuman sa naturang hiling ay nangangahulugan ng pagpapawalang-sala sa akusado.
Matapos ang matapat at maingat na pagsusuri sa mga ebidensya na isinumite ng tagausig, nagbaba ng kautusan ang RTC Siniloan, Laguna, kung saan ipinahayag nito na bigo ang tagausig na patunayan ang pagkakasala ni Pablito nang higit pa sa makatuwirang pagdududa.
Ayon sa desisyon ng hukuman, naging kapuna-puna na wala ni-isa sa apat na mga saksi ng tagausig ang dumalo sa pagdinig at paglilitis ng kaso, ang personal na nakasaksi sa mismong pananaga at pamamaslang kay Ulderico. Wala rin kahit isa sa mga nabanggit na saksi ang merong personal na kaalaman kung sino ang mismong tumaga at pumaslang sa biktima.
Bagaman si Regina, na anak mismo ni Ulderico, ang nagbalita sa saksi na si Virginia na wala nang buhay ang kanyang amang biktima, at ang nagsabi na sina Pablito at Ryan ang mga salarin sa pamamaslang, hindi nakitaan ng hukuman ng paglilitis ng pagsisikap sa bahagi ni Virginia na hikayatin si Regina upang magbigay ito ng kanyang sinumpaang salaysay at magsilbing saksi sa kaso na kanyang isinampa laban sa mga akusado. Hindi rin tumestigo si Regina sa hukuman.
Gayundin, ang impormasyon ukol sa naganap na krimen na mula sa sana ay mahalagang saksi na si Percival ay hindi nagamit bunsod ng hindi niya pagdalo sa pagdinig sa hukuman.
Dahil sa mga nabanggit, itinuring ng RTC Siniloan, Laguna na hearsay evidence lamang ang mga ebidensya na ipinrisinta ng tagausig sa hukuman, dahil ang mga ito ay hindi nakapaloob sa anumang pagtatangi na pinahihintulutan ng ating Rules of Court, hindi ito binigyan ng legal na timbang ng hukuman ng paglilitis.
Binigyang-diin ng RTC Siniloan, Laguna, na hindi maaaring ipagkait sa akusado ang kanyang kalayaan kung ang ebidensya laban sa kanya ay hindi sumapat sa pagtataguyod ng kanyang kasalanan nang higit pa sa makatuwirang pagdududa.
Kung kaya’t minarapat na ipagkaloob ng RTC Siniloan, Laguna, ang Demurrer to Evidence na inihain ng depensa. Kaugnay nito, ipinawalang-sala si Pablito sa krimeng murder at ipinag-utos ang agarang pagpapalaya sa kanya, maliban na lamang kung meron pang ibang makatarungang dahilan upang siya ay manatili sa piitan.
Ang nasabing kautusan, na ipinroklama noong ika-22 ng Setyembre 2017, ay hindi na kinuwestyon pa sa pamamagitan ng Petition for Review on Certiorari.
Ipinag-utos naman ng hukuman ng paglilitis ang pagpapadala sa Archive Docket Section ng kaso laban kay Ryan, na maaaring muling buhayin sa oras na maaresto ang nabanggit na akusado, at ang pagpapalabas ng warrant of arrest laban sa kanya.
Maraming taon na ang lumipas at hindi pa rin lubos na nalulutas ang karumal-dumal na sinapit ni Ulderico. Kung sakali man na maaresto si Ryan at tumakbo ang pagdinig ng kaso laban sa kanya, o sino pa man na maaaring merong kinalaman sa naganap na pamamaslang, nawa ay meron nang sapat na ebidensya upang makamit na ng kaluluwa ni Ulderico ang karampatang hustisya.








Comments