Sa sobrang gulo ng pulitika sa ‘Pinas, may mga gusto ma-impeach si VP Sara at meron din na gusto ma-impeach si PBBM
- BULGAR

- 3 hours ago
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | January 12, 2026

NEXT MONTH, HINDI LANG SI VP SARA ANG SASAMPAHAN NG IMPEACHMENT, KUNDI PATI RIN DAW SI PBBM IPAPA-IMPEACH DIN – Sinabi ni Caloocan City 2nd District Rep. Egay Erice na kung may magsasampa ng impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte-Carpio sa susunod na buwan, maaaring may kasunod na impeachment complaint laban kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (PBBM).
Ayon kay Erice, ang mga reklamo laban kay VP Sara ay kahalintulad ng mga nilalaman ng kanyang Articles of Impeachment noong nakaraang taon, kabilang ang diumano’y pagkakasangkot sa confidential funds scam, pagbabanta sa buhay nina PBBM, First Lady Liza Araneta-Marcos, at Leyte Rep. at dating Speaker Martin Romualdez, pati na rin ang bribery. Bagama’t hindi tinukoy ni Erice ang detalye ng posibleng impeachment complaint laban kay PBBM, maaaring may kaugnayan ito sa P151 billion unprogrammed funds na nakapaloob sa 2026 national budget.
Ipinapakita nito ang kaguluhan sa pulitika sa Pilipinas, kung saan may mga nagnanais na ma-impeach si VP Sara, at mayroon ding nagnanais na ma-impeach si PBBM. Boom!
XXX
PANGKARANIWAN NA SA MAG-ASAWA ANG MAY JOINT ACCOUNT SA BANGKO, PERO NGAYON, PATI MGA CORRUPT POLITICIANS MAY JOINT BANK ACCOUNTS NA RIN —- Karaniwan na sa mag-asawa ang may joint account sa bangko, pero ngayon ay nauuso na rin ito sa ilang pulitiko kahit hindi magkamag-anak, gaya ng ibinulgar ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) tungkol sa joint account nina CWS partylist Rep. Edwin Gardiola at Surigao del Sur 1st District Rep. Romeo Momo.
Kung walang isyu ng korupsiyon, wala namang problema sa joint account nila. Ngunit pareho silang nasangkot sa flood control scandal, kaya’t natural na iniisip ng publiko na ang laman ng kanilang bank account ay posibleng nagmula sa pera ng bayan na kanilang sinamantala. Period!
XXX
KAYA MARAMING MAHIRAP, KASI ANG PONDONG NAKALAAN SA KANILA AY INI-SCAM NG MGA BUWAYANG PULITIKO – Ayon sa pinakabagong survey ng Social Weather Stations (SWS), 51% ng mga pamilyang Pilipino ang nagsabing sila ay mahirap.
Hindi nakapagtataka ang sitwasyong ito, dahil maraming pondo para sa mga mahihirap ang nauuwi sa mga kurakot sa pamahalaan. Period!
XXX
HINDI LAHAT NG PINOY SA THE NETHERLANDS AY SUPORTADO PANANATILI NI HARRY ROQUE, MERON DIN NA ISINUSUKA SIYA – Isang Pilipino sa The Netherlands ang humiling sa Dutch government na i-deport si dating Presidential Spokesman Harry Roque pabalik sa Pilipinas. Bukod sa wala na siyang pasaporte, may warrant of arrest si Roque sa kasong qualified human trafficking kaugnay ng ilegal na operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa Porac, Pampanga.
Ipinapakita nito na hindi lahat ng Pilipino sa Netherlands ay sumusuporta kay Roque; may ilan na nais na siya’y ma-deport pabalik sa bansa. Boom!








Comments