Sa pag-unlad ng ‘Pinas, dapat walang Pinoy na maiiwan
- BULGAR

- Jul 10
- 4 min read
ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | July 10, 2025

Noon pa lang bago maging senador ang inyong Kuya Bong Go, suportado ko na ang mga batas at inisyatiba kung saan pantay-pantay ang bawat Pilipino at walang dapat maiiwan sa ating pagsulong at pag-unlad. Pero nakakalungkot dahil hindi natin maitatanggi, may mga lugar sa bansa na napag-iiwanan.
Bilang inyong senador, ipinaglalaban natin ang mga batas at programa na talagang may pakinabang sa kapwa natin Pilipino. Mula sa kalusugan, trabaho, edukasyon, at infrastructure development, tulad ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, naniniwala ako na ang serbisyo ng pamahalaan ay dapat walang pinipili. Halimbawa rito ang “Build, Build, Build” program ng dating Pangulo na lumikha ng maraming trabaho para sa ating mga kababayan sa iba’t ibang panig ng bansa dahil sa mga ipinatayo at iniayos na mga kalsada, paliparan, pantalan at malalaking economic hubs.
Ang inyo pong Mr. Malasakit ay isang proud Bisaya at Batangueño na lumaki sa Mindanao. Nakita ko noon pa man ang mga sira-sirang kalsada, kakulangan sa maayos na serbisyong pangkalusugan at mga imprastraktura sa iba’t ibang bahagi ng bansa lalo na sa Mindanao. Kaya naman mahalaga na isulong natin ang mga development project na makakatulong sa rehiyon, tulad halimbawa ng Mati City Airport project sa Davao Oriental na ating sinusuportahan bilang Vice Chairman ng Senate Committee in Finance.
Umasa kayo na magtatrabaho ako kasama ng aking mga kapwa mambabatas para maisulong ang mga batas na maglalapit ng serbisyo ng gobyerno sa mga Pilipino.
Tuluy-tuloy rin tayo sa paghahatid ng serbisyo sa ating mga kababayan. Noong July 1 ay nasa Davao Oriental tayo at nakiisa sa 58th Founding Anniversary ng probinsya. Sinaksihan din natin ang panunumpa sa tungkulin ng mga bagong halal na lokal na opisyal sa pangunguna ni Governor Nelson Dayanghirang.
Personal nating binisita at pinagkalooban ng tulong ang 45 residente ng Barangay 773, San Andres Bukid, Maynila na naging biktima ng insidente ng sunog.
Nasa Island Garden City of Samal tayo noong July 2 at dumalo sa pasinaya at inagurasyon ng isinaayos na barangay hall sa Limao.
Sinaksihan natin noong July 4 ang National Commission of Senior Citizens Regional Office XII Ribbon-Cutting and Blessing sa General Santos City, isang proyektong ating sinuportahan dahil malapit sa ating puso ang mga nakatatanda. Kung hindi dahil sa kanila, wala tayo sa mundong ito kaya dapat lamang na bigyan sila ng importansya. Dumalo rin tayo sa ginanap na 6th Commencement Exercises ng Davao del Sur State College, sa paanyaya ni College President Augie Fuentes. Bilang Chairman ng Senate Committee on Youth, binigyang-diin natin na mahalaga ang edukasyon para sa mga kabataang dahil sila ang pag-asa ng bayan at kabilang sa kanila ang mga susunod na lider ng ating bansa.
Muli tayong sumabak noong July 6 sa Still Got Game 50 & Up basketball tournament sa Mandaluyong City. Bilang Chairman ng Senate Committee on Sports, hinihikayat ko ang mga kababayan anuman ang edad na maging aktibo pa rin sa sports. Mabisa rin itong sandata para mailayo, lalo na ang ating mga kabataan, sa kaway ng droga at iba pang bisyo. Get into sports, stay away from drugs to keep us healthy and fit!
Naimbitahan din tayo sa paggunita sa International Year of Cooperatives sa Davao City. Bilang miyembro ng Senate Committee on Cooperatives, naniniwala akong malaki ang papel ng mga kooperatiba sa pagpapalago ng ating ekonomiya at pagpapaganda ng kabuhayan ng mga kababayan.
Lagi kong sinasabi na basta kaya ng panahon at ng aking katawan, tutulong ako sa abot ng aking makakaya. Nitong Lunes, July 7, sa loob lang ng isang buong araw ay bumisita tayo sa limang barangay sa dalawang lungsod ng Maynila at Valenzuela. Aabot sa 515 sa mga kababayan nating biktima ng sunog ang personal nating nahatiran ng kaunting tulong. Meron ding tulong mula sa national government na natanggap ang mga fire victim sa Valenzuela City para ipambili ng materyales pampaayos ng kanilang mga bahay, na ating sinuportahan.
Bilang principal author at co-sponsor ng batas, muli ko ring ipinanawagan na gawing prayoridad ang full implementation ng Ligtas Pinoy Centers Act, na layong magtayo ng maayos at permanenteng at dedicated na evacuation centers sa bawat lungsod at bayan sa bansa. Pera ng Pilipino ang gagamitin dito kaya’t dapat lang na ibalik sa kanila sa pamamagitan ng maayos na serbisyo.
Kaugnay nito, patuloy nating isinusulong ang pagtatatag ng Department of Disaster Resilience upang magkaroon ng mas maayos at mabilis na koordinasyon at rehabilitasyon.
Ipinadala ko naman ang aking Malasakit Team sa iba’t ibang bahagi ng ating bansa para maghatid ng tulong. Naalalayan natin ang 229 residente ng Barangay Tabunok, Talisay City, Cebu na naging biktima ng sunog.
Nagkaloob din tayo ng dagdag na tulong sa 57 biktima ng insidente ng sunog sa Kalamansig, Sultan Kudarat. Nakatanggap din sila ng tulong pinansyal mula sa national government.
Sinaksihan ng aking tanggapan ang groundbreaking ng itatayong Super Health Center at ang 75th Founding Anniversary sa Diffun, Quirino kasama si Mayor May Calaunan; gayundin ang Federation of School Sports Association of the Philippines (FESSAP) 13th Asian University Basketball Championship; at ang 249th US Independence Day Reception sa Taguig City.
Magtatrabaho ako sa abot ng aking makakaya para sa kapwa Pilipino. Bisyo ko ang magserbisyo, at naniniwala ako na ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.








Comments