top of page

Sa kalsada kalmado lang dapat, mga motoristang mainitin ang ulo, panagutin

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 5 hours ago
  • 2 min read

ni Leonida Sison @Boses | February 8, 2026



Boses by Ryan Sison


Nararapat lamang na magsilbing babala sa lahat ng motorista ang nag-viral na insidente ng road rage na humantong sa habambuhay na pagbawi ng lisensya ng driver.


Sa panahong laganap ang init ng ulo sa kalsada, malinaw na ipinapaalala ng desisyon ng Land Transportation Office (LTO) na ang manibela ay hindi pribilehiyo na puwedeng abusuhin, kundi responsibilidad na may kaakibat na pananagutan.


Batay sa imbestigasyon ng LTO, tuluyan nang binawi ang lisensya ng driver matapos siyang makuhanan sa video na hinahabol at sinasaktan ang kapwa motorista. Sa parehong insidente, ang kabilang driver ay sinuspinde ng 90 araw ang lisensya.


Ayon sa driver, nagsimula ang gulo nang ginitgit ang kanyang sasakyan, na nauwi sa murahan at lalo pang uminit nang maglabas ng baseball bat ang kabilang panig at hampasin ang kanyang kotse. Sa gitna ng tensyon, bumaba ang driver at sinuntok ang isa pang motorista hanggang ito ay bumagsak.


Emosyonal ang driver sa panayam, iginiit ang kahirapan at kawalan ng kakayahang kumuha ng abogado, at humingi ng paumanhin matapos ang insidente. Subalit hindi ito naging sapat upang baliktarin ang desisyon. Ayon sa isang kawani ng LTO, malinaw sa video ang aktong paghabol at pananakit, bagay na hindi maaaring palampasin.


Nagpasa rin ng medical certificate ang nasaktan na driver, habang patuloy ang pagbusisi sa iba pang posibleng paglabag, kabilang ang alegasyong pagmamaneho nang lasing, hindi rehistradong sasakyan, at paggamit ng plakang naka-tilt upang iwasan ang NCAP cameras.


Hindi lamang ito kuwento ng dalawang nag-aaway sa kalsada. Ito ay salamin ng araw-araw na panganib na hinaharap ng ordinaryong komyuter at motorista. Isang maling desisyon, isang bugso ng galit, maraming buhay ang nalalagay sa alanganin. Ang batas-trapiko ay naroon upang gabayan ang lahat at tiyaking ligtas ang bawat isa.


Ang habambuhay na pagbawi ng lisensya ay mabigat, ngunit malinaw na mensahe ito na walang puwang ang karahasan sa kalsada. Ang disiplina sa pagmamaneho ay hindi opsyonal. Kung nais nating maging ligtas ang lansangan, kailangang matutong umatras ang pride at init ng ulo at piliting manaig ang paggalang. Ang kalsada ay pampubliko—respekto sa kapwa ay kailangan at matutong magbigay daan kung kinakailangan.


Maraming problema na ang kinahaharap ng bansa; pilitin natin na huwag na nating dagdagan pa.



Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page