Sa gitna ng krisis, nagawa pa ng DBM maglabas ng P16.5B pang-projects ng DPWH
- BULGAR

- 6 hours ago
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | March 27, 2026

PANG-IISNAB NI VP SARA SA HOUSE JUSTICE COMMITTEE PAGPAPAKITA NA AYAW NIYA TALAGANG SAGUTIN ANG ALEGASYON NG KORUPSIYON AT IBA PANG ISYUNG IPINUPUKOL SA KANYA SA IMPEACHMENT – Sa unang impeachment na isinampa kay Vice President Sara Duterte noong Pebrero 5, 2025, dumulog siya sa Korte Suprema upang ipa-stop ang proseso kaugnay sa dalawang isyu: una, ang umano’y paglabag sa 1-year bar rule; at ikalawa, ang kawalan ng due process dahil hindi raw siya inimbitahan ng House Justice Committee para sumagot sa mga alegasyon sa Articles of Impeachment.
Kinatigan ng SC ang kanyang hirit, ipina-stop ang impeachment, at iniutos na sundin ang 1-year bar rule at bigyan ng due process ang bise presidente sa pamamagitan ng pagdaraos ng hearing ng House Justice Committee.
Ngunit nang sundin na ng Kamara ang kautusan ng SC, inisnab ng kampo ni VP Sara ang hearing. Ipinapakita nito na ayaw niyang sagutin ang mga alegasyon ng korapsyon at iba pang isyung nakapaloob sa impeachment. Period!
XXX
AKALA NG PUBLIKO AY MAGPAPAKITA NG HUSAY ANG LAWYERS NI VP SARA SA KAMARA, 'YUN PALA SA PRESSCON LANG IPINAKITA ANG KANILANG HUSAY – Isa sa inaabangan ng publiko ang pagpapakita ng husay ng 16 abogado na kinuha ni VP Sara para ipagtanggol siya sa House Justice Committee. Ngunit masaklap, hindi lang ang bise presidente ang umisnab sa komite—pati ang ilan sa kanyang mga abogado. Sa halip, dalawa sa kanila ang ipinakita ang kanilang "husay" sa media sa pamamagitan ng isang press conference. Boom!
XXX
BINIGYAN NA NGA NG TIG-P5K AYUDA, NAGAWA PA NG MGA TSUPER NA MAGTIGIL-PASADA – Sa kabila ng pagbibigay ng tig-P5,000 ayuda ng gobyerno, itinuloy pa rin ng mga tsuper ng pampasaherong jeep ang tigil-pasada.Hay naku, sa gitna ng krisis, nagpasya pa rin silang huminto sa biyahe, na nagdulot ng paghihirap sa mga pasahero. Tsk!
XXX
DAPAT SA PANAHON NG KRISIS, HINDI NA MUNA BINABABAAN NG DBM NG BUDGET ANG DPWH – Naglabas ang Department of Budget and Management (DBM) ng P16.5 bilyon para sa mga proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH). Sa panahon ng krisis, dapat sana ay hindi muna ito ipinamahagi at itinabi, at kapag lumala ang sitwasyon sa Middle East, saka lamang i-realign ang pondo para sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) bilang ayuda. Sa ganitong sitwasyon, may panganib na sa halip na makatulong, mapunta lamang sa katiwalian sa DPWH ang perang ito. Period!




Comments