top of page

Romualdez, puwedeng maging hero kung mapatutunayang si PBBM ang mastermind sa flood control scandal

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 3 hours ago
  • 2 min read

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | April 25, 2026



Prangkahan ni Pablo Hernandez


DAHIL MAY PHDO NA SA IMMIGRATION SI CONG. ROMUALDEZ, WALA NA SIYANG KAWALA SA KANYANG MGA KASO – Nag-isyu ang Sandiganbayan ng Precautionary Hold Departure Order (PHDO) sa Bureau of Immigration (BI) laban kay Leyte 1st District Rep. at dating Speaker Martin Romualdez kaugnay ng umano’y pagkakasangkot sa flood control scandal.


Ibig sabihin ng PHDO, hindi muna siya maaaring makalabas ng bansa habang dinidinig pa ang mga kasong isinampa laban sa kanya.


Kabilang sa mga kasong ito ang plunder, indirect bribery, at money laundering na patuloy na inihahain at nililitis sa korte.


Patuloy pang inaasahan ang pag-usad ng mga paglilitis kaugnay ng naturang mga paratang. Period!


XXX


PUWEDE PANG MAGING 'HERO' SA PANINGIN NG PUBLIKO SI CONG. ROMUALDEZ KUNG MAKAPAGLABAS SIYA NG EBIDENSIYANG SI PBBM ANG MASTERMIND SA FLOOD CONTROL SCANDAL – Bagamat “too late the hero” na ang pahayag ni Cong. Romualdez sa pagtukoy kina dating Senate President Chiz Escudero at dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co bilang umano’y mga mastermind sa flood control scandal, lalo’t kabilang din siya sa mga pinangalanan ni Ombudsman Boying Remulla na umano’y “utak” sa isyu ng flood control projects scam, maaari pa rin siyang makakuha ng simpatiya mula sa publiko.


Giit ng ilan, kung mapapatunayan ni Cong. Romualdez—sa pamamagitan ng mga konkretong ebidensya—na ang kanyang pinsan na si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (PBBM) ay sangkot bilang pangunahing nasa likod ng naturang anomalya, maaaring magbago ang pananaw ng publiko sa kanya.


Sa huli, nakasalalay pa rin sa lalabas na ebidensya ang magiging bigat ng mga paratang na ito, at kung paano ito tatanggapin ng taumbayan. Boom!


XXX


SA MGA TAONG-GOBYERNO, MULA JANITOR HANGGANG PRESIDENTE, SI VP SARA LANG NAGLAGAY NG CASH ON HANDS AT BANK DEPOSITS SA 'OTHERS' NG SALN – Sinopla ni Bicol Saro partylist Rep. Terry Ridon ang paliwanag ni Atty. Michael Poa na ang kawalan umano ng nakasaad na cash on hand at bank deposits sa Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) ni Vice President Sara Duterte mula 2019 hanggang 2024 ay dahil inilagay daw ito sa “others.”


Ayon kay Ridon, walang nakasaad na halaga ng pera o deposito sa “others” ng SALN, at hindi rin ito ang tamang bahagi para ilagay ang ganitong impormasyon.

Giit niya, malinaw sa batas na lahat ng mga opisyal ng gobyerno—mula sa pinakamababa hanggang sa pinakamataas na posisyon—ay obligadong ilahad ang kanilang cash on hand at bank deposits sa kanilang SALN. Period!


XXX


ANG TINDI NA NG 'PASABOG' NI TRILLANES LABAN KAY VP SARA, PERO RATING NG FAVORITE NIYANG PRESIDENTIABLE NA SI SEN. HONTIVEROS, KULELAT PA RIN SA SURVEY – Matapos ang pahayag ni former Sen. Antonio Trillanes tungkol sa umano’y unexplained wealth ni VP Sara Duterte, lumabas ang bagong OCTA presidential survey na nagpapakita na nananatili pa rin sa unahan si VP Sara na may 33%.


Kasunod niya si Naga City Mayor at dating VP Leni Robredo na may 21%, sinundan ni Manila Mayor Isko Moreno na may 10%. Nagtabla naman sa 9% sina Sen. Raffy Tulfo at Sen. Bam Aquino, habang ang natitirang 3% ay napunta sa iba pang kandidato na nakakuha ng mas mababang porsyento.


Hindi kabilang sa mga nangungunang pangalan si Sen. Risa Hontiveros sa naturang survey. He-he-he!


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page