Romualdez, nanganganib ma-City Jail ‘pag kumanta na si Bonoan, abangan

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | September 7, 2026

MAAARING KAYA HINDI NA KINUNAN NG MUGSHOT SI VP SARA UPANG HUMUPA AT MAPAKALMA ANG GALIT NG MGA DDS — Matapos makapaglagak ng piyansa sa tatlong kaso ng grave threats ay hindi na kinunan ng mugshot si Vice Pres. Sara Duterte.
Maaaring kaya hindi na kinunan ng mugshot si VP Sara, hiningan na lang ito ng picture, ay para kahit paano humupa, mapakalma ang galit ng mga Duterte Diehard Supporters (DDS), period!
XXX
BAKA 'SUMALAKAY' ULI SA SENADO ANG MGA DDS KAPAG IPINILIT NA IBABA ANG BILANG NG BOTO NG MGA SENATOR-JUDGE SA IMPEACHMENT CASE NI VP SARA — Plano raw ng majority bloc sa Senado na ibaba ang bilang ng boto ng mga senator-judge para sa conviction sa kasong impeachment ni VP Sara, kasi apat na senador, na sina Senators Jinggoy Estrada, Rodante Marcoleta (parehong nakakulong sa kasong plunder), Ronald dela Rosa (nagtatago sa kasong crimes against humanity) at Loren Legarda (nasa abroad) ang hindi na nakakadalo sa impeachment trial.
Kung dati ay 16 na boto ang kailangan para ma-impeach si VP Sara, ay posibleng maging 13 na lang.
Naku, dapat pag-isipang mabuti ng majority bloc ang gagawin nilang desisyon sa isyung iyan, kasi kapag ipinilit na ibaba ang bilang ng boto, ay baka "sumalakay,” magsipag-rally uli sa harap ng Senado ang mga Duterte Diehard Supporters (DDS), boom!
XXX
SA PAGTESTIGO NI FORMER DPWH SEC. BONOAN MALAMANG MA-CITY JAIL NA SI CONG. ROMUALDEZ — Nanawagan si Leyte 1st Dist. Rep., former Speaker Martin Romualdez sa Office of the Ombudsman na maging patas sa pagproseso sa kasong isasampa sa kanya sa Sandiganbayan.
Sa tema ng statement ni Cong. Romualdez ay tila kinakabahan na ito, kasi nga sa pag-aprub ng Sandiganbayan na gawing state witness si former Department of Public Works and Highways (DPWH) Sec. Manuel Bonoan sa flood control scandal ay parang ramdam na niyang malapit na siyang makulong sa city jail, abangan!
XXX
MAYOR RUFFY BIAZON, WALA PA RIN AKSYON PARA MAPA-STOP ANG RAKET NA STL-BOOKIES NG 2 'DILAWAN' SUPPORTERS SA MUNTINLUPA CITY? — Hanggang ngayon ay wala pa rin daw aksyon si Muntinlupa City Mayor Ruffy Biazon para ipa-stop ang umano’y raket na STL-bookies ng dalawang "dilawan" supporters na sina "Jojo" at "Touche" sa lungsod.
Si Mayor Biazon ay isa sa mga "dilawan" na politician sa bansa, at para hindi masabi ng publiko na kinukunsinte niya ang raket ng dalawang "dilawan" supporters sa Muntinlupa City, ay dapat atasan niya si Muntinlupa City Chief of Police, Col. Olivia Ancheta, na ipa-stop ang STL-bookies sa lungsod, period!




Comments