Rollback sa petrolyo dapat bigtime din, hindi pampakonsuwelo
- BULGAR

- 1 day ago
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | August 30, 2026

KUNG ANTI-CORRUPT SI PBBM, BAKIT PARANG HINDI NIYA SUPORTADO ANG ANTI-CORRUPTION NA CADENA BILL NI SEN. BAM AQUINO? – Dismayado si Sen. Bam Aquino dahil hindi niya nararamdaman ang suporta ng Marcos administration sa kanyang panukalang batas laban sa korupsiyon na Citizen Access and Disclosure of Expenditures for National Accountability (CADENA) Act.
Sa ilalim ng panukala, magiging bukas sa publiko ang mga proseso sa pagbalangkas ng national budget, at magkakaroon ang taumbayan ng access sa impormasyon tungkol sa budget ng mga infrastructure project, kabilang ang mga bidding.
Kaya kung totoo ang sinasabi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (PBBM) na anti-corruption siya, dapat niyang suportahan ang CADENA Act ni Sen. Bam Aquino.
Kung hindi niya ito susuportahan, lalabas na pabida lamang siya sa mga mamamayan sa pagsasabing siya ay anti-corruption. Boom!
XXX
DAPAT TANGGAPIN NI CONG. PULONG DUTERTE ANG HAMON NG MALACAÑANG NA ISAPUBLIKO ANG MGA LUGAR NA KINAROROONAN NG FLOOD CONTROL PROJECTS SA KANYANG DISTRITO NA P51B – Hinamon ng Malacañang si Davao City 1st District Rep. Paolo Duterte na isapubliko ang lahat ng mga proyektong pinaglaanan ng kanyang P51 bilyong flood control projects sa lungsod.
Dapat tanggapin ni Cong. Pulong ang hamon at isapubliko ang mga lugar na pinagkagastahan ng P51B flood control projects. Kapag naipakita niya ito sa mamamayan, tiyak na maglulubay na ang Malacañang sa patuloy na pagkukuwestiyon patungkol sa halagang ito na naibaba sa kanyang distrito noong 2020, 2021 at 2022. Period!
XXX
KUNG 'FAKE NEWS' LANG ANG SINABI NI DPWH SEC. DIZON NA WALA NANG 'ALLOCABLE FUNDS' ANG MGA SEN. AT CONG., DAPAT MAG-RESIGN SIYA – Tiniyak ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Sec. Vince Dizon na wala nang “allocable funds” para sa diskresyon ng mga senador at kongresista.
Sana nga ay totoo ang sinabi ni Sec. Dizon. Kasi kung “fake news” lang iyan at mapatunayang may “allocable funds” pa rin para sa mga senador at kongresista, dapat siyang mag-resign sa kanyang tungkulin. Boom!
XXX
SANA BIGTIME DIN ANG OIL PRICE ROLLBACK NEXT WEEK AT HINDI KAKARAMPOT LANG – Inanunsyo ng Department of Energy (DOE) na magkakaroon umano ng oil price rollback next week.
Sana ay bigtime ang oil price rollback at hindi kakarampot lang ang ibabawas sa presyo ng mga produktong petrolyo. Period!




Comments