Rizal Law, kumikilala sa relihiyosong paniniwala ng mga mag-aaral
- BULGAR

- 1 day ago
- 3 min read
ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | August 18, 2026

Dear Chief Acosta,
Ang anak ko po ay magsisimulang mag-aral ng kolehiyo, at bahagi ng kanilang kurikulum ang pagbasa ng buong Noli Me Tangere at El Filibusterismo. Ikinonsulta ko ito sa pinuno ng aming relihiyon at aking nakumpirma na ang pagbabasa nito ay taliwas sa aming pananampalataya. Gusto sana naming i-exempt ang anak ko sa pagbasa ng mga librong ito. Maaari po ba iyon? At kung papayagan, ibig bang sabihin ay hindi na rin niya kukunin ang buong asignaturang Rizal? — Scherelynn
Dear Scherelynn,
Isinabatas ang Republic Act (R.A.) No. 1425, o kilala rin bilang Rizal Law, upang pagtibayin ang pagkilala sa patuloy na pangangailangang linangin ang mga Pilipino, partikular sa kabataan, ang mga mithiin ng kalayaan, pagkamakabayan, at nasyonalismo. sumasalamin din ito sa konstitusyonal na pananagutan ng Estado na pangasiwaan ang mga institusyong pang-edukasyon at tiyakin na ang mga paaralan ay nagpapaunlad ng moral na katangian, personal na disiplina, pananagutang sibiko, at pagpapahalaga sa mga tungkulin ng pagkamamamayan. Sa pag-aatas ng pag-aaral sa buhay at mga sinulat ni Rizal, ang batas na ito ay naglalayong mapanatili ang kanyang pamana at itanim sa isipan ng bawat Pilipino ang mas malalim na pag-unawa sa kasaysayan ng bansa, mga demokratikong mithiin, at pangako sa pambansang kaunlaran. Nakasaad sa Seksyon 1 ng nasabing batas na:
“Section 1. Courses on the life, works and writings of Jose Rizal, particularly his novel Noli Me Tangere and El Filibusterismo, shall be included in the curricula of all schools, colleges and universities, public or private: Provided, That in the collegiate courses, the original or unexpurgated editions of the Noli Me Tangere and El Filibusterismo of their English translation shall be used as basic texts.
The Board of National Education xxx shall promulgate rules and regulations providing for the exemption of students for reasons of religious belief stated in a sworn written statement, from the requirement of the provision contained in the second part of the first paragraph of this section; but not from taking the course provided for in the first part of said paragraph. Said rules and regulations shall take effect thirty (30) days after their publication in the Official Gazette.”
Ayon sa Seksyon 1 ng nasabing batas, obligado ang lahat ng paaralan, kolehiyo, at unibersidad, pampubliko man o pribado, na isama sa kanilang kurikulum ang asignatura tungkol sa buhay, mga akda, at sinulat ni Dr. Jose Rizal, partikular na ang kanyang mga nobelang Noli Me Tangere at El Filibusterismo. Para naman sa antas kolehiyo, itinatakda ng batas na dapat gamitin ang orihinal o unexpurgated (hindi pinaikli o binago) na edisyon ng mga nobela, o ang kanilang salin sa Ingles, bilang pangunahing babasahin.
Gayunpaman, kinikilala rin ng batas ang karapatan sa relihiyosong paniniwala. Kaugnay nito, iniutos sa Board of National Education na magpalabas ng mga alituntunin para sa eksepsiyon ng mga mag-aaral batay sa relihiyosong paniniwala na dapat nakasaad sa isang sinumpaang salaysay. Sa madaling salita, maaaring may batayan ang iyong anak upang humingi ng eksepsiyon mula sa pagbasa ng mga nabanggit na nobela, kung ito ay taliwas sa inyong pananampalataya.
Mahalagang tandaan, gayunpaman, na ang eksepsiyon na ito ay limitado lamang sa pangangailangan na basahin ang mga nabanggit na nobela. Hindi ito nangangahulugan na maaari nang hindi kunin ng inyong anak ang buong asignaturang Rizal, dahil ang pag-aaral tungkol sa buhay at pagkabayani ni Dr. Jose Rizal ay hindi saklaw ng eksepsiyon kaya ito ay nananatiling obligado sa lahat ng mag-aaral.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.




Comments