top of page

Representasyon para sa mga service user ng mental health facilities

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Sep 20, 2024
  • 3 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Sep. 20, 2024



Magtanong kay Attorney ni Atty. Persida Acosta

Dear Chief Acosta,


Mahigit tatlong buwan na noong nagdesisyon ang aking kasintahan na pumasok at magpagamot sa isang pasilidad para sa mental health sapagkat kinakailangan na niya ng propesyonal na tulong para sa kanyang kondisyon. Gumawa siya ng isang notaryadong dokumento na nagpapatunay na ako ang itinalaga niya na legal na kinatawan. Dahil dito, nais ko lamang malaman kung ako ba ay may tungkulin bilang isang legal na kinatawan ng aking kasintahan na sumasailalim sa gamutan para sa kanyang mental health? Salamat sa inyong tugon. — Pen-Pen



Dear Pen-Pen,


Pinagtitibay ng ating gobyerno ang pangunahing karapatang pantao ng bawat isa ukol sa kanilang kalusugang pangkaisipan at pagkakaroon ng pagkakataon na makatanggap ng mga serbisyong may kinalaman sa mental health. Ganoon din, may batas kung saan ang isang taong sumasailalim sa gamutan para sa kanyang mental health ay binibigyang karapatan na magtalaga ng kanyang legal na kinatawan. Ito ay nakasaad sa Seksyon 10(a) ng Republic Act (R.A.) No. 11036, o tinatawag na “Mental Health Act”:


Section 10. Legal Representative. - A service user may designate a person of legal age to act as his or her legal representative through a notarized document executed for that purpose.


  1. Functions. A service user’s legal representative shall:


  1. Provide the service user with support and help; represent his or her interests; and receive medical information about the service user in accordance with this Act;


  1. Act as substitute decision maker when the service user has been assessed by a mental health professional to have temporary impairment of decision-making capacity;


  1. Assist the service user vis-a-vis the exercise of any right provided under this Act; and


  1. Be consulted with respect to any treatment or therapy received by the service user.  The appointment of a legal representative may be revoked by the appointment of a new legal representative or by a notarized revocation.”


Ayon sa nasabing probisyon ng batas, ang isang service user o taong sumasailalim sa gamutan para sa kanyang mental health ay may karapatan na magtalaga ng kanyang legal na kinatawan. Kinakailangan lamang na ang service user ay magsagawa ng isang notaryadong dokumento kung saan nakapaloob ang kanyang intensyon na magtalaga ng legal na kinatawan.


Sa kadahilanang ikaw ang itinalaga ng iyong kasintahan bilang kanyang legal na kinatawan, nakasaad sa Seksyon 10(a) ng Republic Act (R.A.) No. 11036 na ikaw ay may tungkulin na magbigay suporta at tulong sa iyong kasintahan, kumatawan sa kanyang mga interes, at tumanggap ng mga impormasyon patungkol sa kanyang medikal na kondisyon. Bilang legal na kinatawan, ikaw ay maaari ring humalili sa paggawa ng desisyon, kung mapatutunayan na may pansamantalang paghina sa kanyang kakayahang magdesisyon. Ikaw rin ay maaaring konsultahin para sa ano mang paraan ng gamutan o therapy na tatanggapin ng kasintahan mo.


Kung kaya, bilang legal na kinatawan at hanggang ito ay hindi binabawi, may nakaatas sa iyong tungkulin na protektahan ang interes ng iyong kasintahan bilang isang service user, at masiguradong siya ay nabibigyan ng karampatan at akmang proseso ng gamutan habang siya ay nasa isang pasilidad para sa mental health.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan.  Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page