top of page
Search

Mga krimen na nangyari abroad, ‘di sakop ng korte sa ‘Pinas

BULGAR

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | July 26, 2024



Magtanong kay Attorney ni Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,


May naging katrabaho akong Pilipina noong ako ay isang OFW sa Saudi. Dumating ang panahon na nangailangan siya ng malaking halaga para sa pag-aaral ng kanyang anak.  Pinahiram ko siya ng pera sapagkat napaniwala niya ako na ibabalik din niya ito sa akin. Sa kasamaang palad, matapos kong ibigay ang halagang inutang niya ay bigla na lamang siyang hindi na pumasok sa aming trabaho. Hindi ko na rin siya matawagan o mapadalhan ng mga mensahe. Sa kanyang pagkawala ay hindi ko na rin makita ang ilan sa mga mamahaling kagamitan na aking naipundar habang nagtatrabaho sa Saudi. Pagbalik ko sa Pilipinas ay nais ko sana siyang sampahan ng kasong kriminal at maipakulong. Maaari ko bang gawin ito kahit na ang krimen ay nangyari sa ibang bansa? – Mildred


 

Dear Mildred, 


Isa sa mga prinsipyo ng ating penal laws ay ang tinatawag na Principle of Territoriality. Sang-ayon dito, ang ating penal laws ay maipatutupad lamang sa mga krimeng naganap sa loob ng bansa, maliban na lamang kung ang krimen ay isa sa mga tiyak na nabanggit sa Article 2 ng Revised Penal Code, na nagsasabing:


Article 2. Application of its provisions. - Except as provided in the treaties and laws of preferential application, the provisions of this Code shall be enforced not only within the Philippine Archipelago, including its atmosphere, its interior waters and maritime zone, but also outside of its jurisdiction, against those who:


1. Should commit an offense while on a Philippine ship or airship;


2. Should forge or counterfeit any coin or currency note of the Philippine Islands or obligations and securities issued by the Government of the Philippine Islands;


3. Should be liable for acts connected with the introduction into these islands of the obligations and securities mentioned in the presiding number;


4. While being public officers or employees, should commit an offense in the exercise of their functions; or


5. Should commit any of the crimes against national security and the law of nations, defined in Title One of Book Two of this Code.”  


Binanggit sa nasabing artikulo ang mga krimen na maaaring dinggin sa ating mga korte, kahit na ito ay nangyari sa ibang bansa o sa labas ng teritoryo ng Pilipinas: krimeng naganap habang lulan ng Philippine ship o airship; pamemeke ng pera ng bansang Pilipinas, o mga obligation and securities na inisyu ng ating gobyerno, at pagpapapasok ng mga ito sa ating bansa; krimeng ginawa ng public official o employee na may kaugnayan sa kanyang trabaho; at krimen laban sa seguridad ng ating bansa. 


Ang ibang krimen na pinaparusahan sa ilalim ng ating mga batas, na hindi kabilang sa mga nabanggit, ay maaari lamang dinggin sa korte ng Pilipinas kung ang mga ito ay nangyari sa loob ng ating bansa.


Samakatuwid, sapagkat hindi nabanggit sa Article 2 ng Revised Penal Code ang krimen na posibleng nagawa ng iyong dating kasamahan, hindi maaaring dinggin sa korte ng Pilipinas ang iyong reklamo. Maaaring ang iyong reklamo ay nararapat na ihain kung saan ito naganap.  Pakatandaan na ang penal laws ay hindi tumitingin sa nationality ng biktima o akusado, bagkus ito ay tumitingin sa lugar na pinangyarihan ng krimen.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.



Comentarios


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page