top of page
Isko Moreno Domagoso - FB.jpg

Kulang sa pakikinig at paghahanap sa katotohanan

Writer: BULGAR
BULGAR
6 hours ago
3 min read

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | September 13, 2026



Fr. Robert Reyes



Apatnapung taon na ang EDSA UNO noong nakaraang Pebrero. Dalawampu’t limang taon naman noong nakaraang Biyernes ang “9-11” o ang pagbomba sa Twin Towers sa New York gamit ang dalawang eroplanong hinaydiyak ng mga terorista. Limangpu’t apat na taon na ang pagdedeklara ni Ferdinand Marcos Sr. ng Martial Law sa darating na ika-21 ng Setyembre. 


Iba’t ibang damdamin, kahulugan at kahalagahan ang napapaloob sa mga ginugunitang mahahalagang pangyayari sa ating bansa at lipunan. Subalit, pagkatapos ng mahabang usapan tungkol sa mga nangyari ang kasunod na tanong ay ganun ding kahalaga,

“Anong nangyari pagkatapos ng pangyayari?” Ano na ang nangyari pagkatapos ng EDSA UNO at ng 9-11? Umunlad at nagkaroon na ba ng matatag na kapayapaan sa ating bansa? Tumahimik at lumaganap na ba ang kapayapaan sa buong mundo? Natuto at naunawaan na ba ng lahat ang mga nangyari, ang sanhi ng mga ito, ang iba’t ibang sangkap o elemento na nagbunga ng maganda at pangit na ibinunga ng mga pangyayari? Ang mga papel na ginampanan ng mga indibidwal at mga grupo? 

                  

Marami nang pag-aaral ang naisulat, nailimbag at napag-usapan sa maraming pagtitipon. Dapat lang pag-usapan at dapat lang matutunan at maging mahalagang dokumento na magagamit hindi lang sa patuloy na paggunita kundi sa patuloy na pagbabago ng bansa at mga mamamayan. Tiyak na meron nang nagawa hinggil sa pagtatala (dokumentasyon): patuloy na pananaliksik, pag-aaral, pag-uusap at pagpapalaganap ng mga bagong kaalaman at mga leksyong natutunan. Subalit, tumitigil ang lahat sa apat na gawaing ito. Laging kulang ang panglima: mga gawaing bunga ng mga aral at leksyon na naging epektibo, mahusay at mainam sa pagbabago.

                  

At sa pandaigdigang konteksto, ngayong ika-dalawampu’t limang anibersaryo ng 9-11, sapat na ba ang pag-aaral, pagninilay at pagsusuri ng mga panlabas at panloob na sangkap ng nangyari para mabuo ang mas malinaw at mas obhetibong larawan? Ngunit sa dami ng mga nangyayaring sangkot ang mga bansang nagtutunggalian noon hanggang ngayon, tila kakaunti ang pag-usad tungo sa higit na pag-unawaan tungo sa makabuluhang pagtutulungan tungo sa mapayapa at bukas na pag-uusap na makakatulong sa kapayapaan. Nagtatagal ang tunggalian sa pagitan ng Israel at Palestinya. Hindi natatapos ang tunggaliang sinimulan ng Estados Unidos at ng Iran. At damang-dama ang epekto nito sa pagtaas ng presyo ng krudo at gasolina sa buong mundo. Bakit ubod ng bagal ang pag-uusap at pagkakasundo hinggil sa kapayapaan sa pagitan ng Kanluran at Gitnang Silangan?

                  

Sadya bang mahirap magkaunawaan at magkasundo ang mga magkatunggaling bansa? Ganun ba rin ang mga paksyon at grupong nagtutunggalian sa ating sariling bansa? Mahirap bang makamit ang kapayapaan at pagkakasundo sa bukas at tapat na pag-uusap o diyalogo?

                  

Kay tagal na ng mga tanong na may maiilap na mga sagot. Bagama't malinaw na may  kinalaman ang mga nangyari sa nagdaang limampung-apat na taon mula sa pagdeklara ng Batas Militar at sa nagdaang pitong administrasyon, tila bulag ang marami o ayaw tingnan ang malinaw na dahilan na may kumplikadong mga epekto. Una, nagpalitan lang ng mga tao at kanilang tauhan mula kay Marcos tungo kay Cory. Subalit walang pagbabago sa sistema at kultura ng pamamahala. Pangalawa, wala o kakaunti lang ang tunay na nagbayad sa pagkakakulong, hindi lang sa mga municipal at pambansang piitan hanggang sa Muntinlupa. Ganun kahalaga ang “timing” ng pagbasura sa pitong kaso ng graft na may parusang 77 taong pagkakakulong, laban kay Imelda Romualdez, asawa ng dating presidente at nanay ng kasalukuyang Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.


Hindi lihim ang paghihirap na naranasan at patuloy na nararanasan ng mga mamamayan. Hindi rin lihim ang korupsiyon ng maraming namumuno. Hindi rin lihim ang proteksyong ibinibigay ng umiiral na kultura at sistema ng pulitika sa ating bansa. Hindi rin lihim ang pagtakbo ng pare-parehong mga pamilya, mga kilalang apelyido na mukhang laging tumatakbo at nananalo. Hindi rin lihim ang nakasanayang kultura at sistema ng “ayuda” sa ating bansa. Ngunit tila lihim kung bakit nasanay na at ayaw na nating umalis sa kapaligirang marahas na laging nagbabantang, “Oh, sige, mag-ingay kayo; lumaban kayo, tingnan natin kung kaya ninyong baguhin ang kultura at sistema ng matagal nang panahon?”

                  

Hindi mahirap unawain at labanan ang “Panahon ng Lihim” dahil nakikita natin ito tuwing eleksyon at pagkaraan nito. Ang mahirap ay unawain at kumilos ayon sa “LIHIM  NG  PANAHON?” Tamang-tama ang pagbasa ngayong Sabado. Sabi ni Kristo sa kanyang mga alagad, “Hindi lahat ng sumisigaw ng ‘Panginoon, Panginoon’ ay kilala ako. Nakikinig sa aking tinig at tinutupad ang aking salita ng tunay kong alagad.” (Lucas 6:43-49). Baka ito ang dahilan kung bakit parang hindi tayo natututo sa mga mahahalagang pangyayari sa ating buhay bilang mga mamamayan at bilang bansa. Baka marunong lang tayong sumigaw at mag-ingay, ngunit kulang na kulang sa pakikinig at paghahanap sa katotohanan at sa kalooban ng Diyos.



Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page