top of page
Isko Moreno Domagoso - FB.jpg

Ipinagamit ang pangalan sa kaibigan para makautang

Writer: BULGAR
BULGAR
6 hours ago
3 min read

ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | September 13, 2026



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,


Tinulungan ko ang kaibigan ko na makakuha ng utang dahil gusto ko lamang siyang matulungan. Dahil sa aming pagkakaibigan, ipinagamit ko sa kanya ang aking pangalan at pumirma ako sa mga dokumentong kailangan niya para makautang sa ibang tao, na malayong kamag-anak ko. Alam naming lahat na ipinahiram ko lang ang pangalan ko sa kaibigan ko at wala akong natanggap kahit piso mula sa perang inutang niya. Kung hindi mabayaran ng kaibigan ko ang utang, mananagot pa rin ba ako at kailangan ko bang bayaran ang utang niya? Maraming salamat po. — JC Baligod


Dear JC Baligod,


Ang accommodation party ay taong nagpagamit ng kanyang pangalan upang matulungan ang iba na makakuha ng utang o kredito. Gayunpaman, maaari siyang managot sa utang kahit wala siyang natanggap na pera mula rito. Base sa kasong Tomas Ang vs. Associated Bank, et al., G.R. No. 146511, ika-5 ng Setyembre 2007, sa panulat ni Kagalang-galang na Kasamang Mahistrado Adolfo S. Azcuna, napagpasyahan ng ating Korte Suprema na:


An accommodation party lends his name to enable the accommodated party to obtain credit or to raise money; he receives no part of the consideration for the instrument but assumes liability to the other party/ies thereto. The accommodation party is liable on the instrument to a holder for value even though the holder, at the time of taking the instrument, knew him or her to be merely an accommodation party, as if the contract was not for accommodation.” 


Bukod dito, sa kaso ng Fideliza Aglibot vs. Ingersol Santia, G.R. No. 185945, ika-5 ng Disyembre 2012, sa panulat ni Kagalang-galang na Kasamang Mahistrado Bienvenido L. Reyes, binanggit ng ating Korte Suprema, alinsunod sa naunang kaso na The Philippine Bank of Commerce vs. Aruego, na:


In lending his name to the accommodated party, the accommodation party is in effect a surety for the latter. He lends his name to enable the accommodated party to obtain credit or to raise money. He receives no part of the consideration for the instrument but assumes liability to the other parties thereto because he wants to accommodate another.


The relation between an accommodation party and the party accommodated is, in effect, one of principal and surety — the accommodation party being the surety. It is a settled rule that a surety is bound equally and absolutely with the principal and is deemed an original promisor and debtor from the beginning. The liability is immediate and direct. It is not a valid defense that the accommodation party did not receive any valuable consideration when he executed the instrument; nor is it correct to say that the holder for value is not a holder in due course merely because at the time he acquired the instrument, he knew that the indorser was only an accommodation party


Ayon sa mga nabanggit na kaso, ang accommodation party ay walang natatanggap na bahagi ng pera o halagang kapalit ng dokumento, ngunit siya ay nananagot sa ibang partido na nakalagay sa nasabing dokumento. Mananagot siya sa isang taong may karapatang maningil, kahit alam ng taong iyon noong tinanggap niya ang dokumento na ang pumirma ay nagpapagamit lamang ng pangalan.


Bukod dito, sa pagpapagamit ng kanyang pangalan, ang accommodation party ay parang isang surety o tagapanagot sa utang. Ang kanyang pananagutan ay direkta at agad na maaaring ipatupad. Hindi sapat na depensa ang pagsasabing wala siyang natanggap na pera o anumang kapalit nang pirmahan niya ang dokumento upang makaiwas sa pananagutan.


Dapat tandaan na bilang accommodation party, naging tagapanagot o surety ka ng iyong kaibigan. Dahil dito, maaari kang managot sa kanyang utang, kahit alam ng lahat ng partido sa kontrata na pinagamit mo lamang ang iyong pangalan at wala kang natanggap na anumang bahagi ng perang inutang.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page