Pulis maaaring matanggal sa serbisyo dahil sa hindi awtorisadong pagliban
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | June 29, 2021
Dear Chief Acosta,
Ang half-brother ko ay unipormadong pulis. Bago pa lamang siya sa serbisyo at nadestino siya sa probinsya, habang ang mag-iina niya ay naiwan sa Maynila. Mayroong biglaang nangyari sa kanyang pamilya at kailangan na sana niyang umuwi pansamantala, ngunit hindi niya alam kung matatagalan pa siya sa pagliban. Iniisip na niyang huwag nang hintayin ang resulta ng application for leave of absence niya. Subalit, pinayuhan siya ng mga kasamahan niya na maghintay sapagkat maaari diumano siyang matanggal sa serbisyo. May posibilidad ba talaga na ganun ang mangyari? – Andrei
Dear Andrei,
Ang mga kawani, maging sa pribado o sa pampublikong sektor man ay inaasahang magbigay hindi lamang ng mahusay kundi pati na rin ng mabisang pagseserbisyo upang angkop na magampanan nila ang kanilang mga responsibilidad.
Ang pagliban sa trabaho ay hindi naman lubusang ipinagbabawal. Maging ang ating mga batas at alituntuing pang-manggagawa ay kinikilala ang mga pagkakataong sadyang kinakailangan lumiban ng manggagawa. Gayunman, mahalagang maipabatid ng manggagawa ang kanyang intesiyon na lumiban sa trabaho o serbisyo at mabigyan ng angkop ng awtoridad kaugnay nito.
Sa panuntunan ng mga kapulisan, maaaring makonsidera na Grave Neglect of Duty ang pagliban sa trabaho nang walang angkop na aplikasyon at awtoridad kaugnay nito. Para sa kaalaman ng lahat, nakasaad sa Rule 21 ng NAPOLCOM MC No. 2016-02 o mas kilala bilang Revised Rules of Procedure Before the Administrative Disciplinary Authorities and the Internal Affairs Service of the Philippine National Police ang sumusunod:
“Section 2. Classification of Offenses. – For purposes of determining jurisdiction and applying the appropriate penalty, administrative offenses are classified into light, less grave and grave:
x x x
C. GRAVE OFFENSES
3) Grave Misconduct – shall include but not limited to the following:
x x x
j) absent oneself from office without having filed the necessary application for leave or secured approval of the authorized official for a period of more than fifteen (15) days prior to the enjoyment of the leave.”
Bilang grave offense, ang karampatang parusa sa mapatutunayang lumabag sa nabanggit na panuntunan ay ang pagsuspinde, demotion, o kaya naman ay dismissal sa serbisyo. Ito ay alinsunod sa Section 2, Rule 22 ng NAPOLCOM MC No. 2016-02:
“Section 2. Range of Penalties. – The penalties for light, less grave and grave offenses shall be made in accordance with the following ranges:
x x x
For Grave Offenses:
a. Sixty (60) days to Six (6) months suspension (minimum);
b. One (1) rank demotion (medium);
c. Dismissal from the service (maximum)”
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.





Comments