Publiko, ‘wag pabiktima sa holiday scams
- BULGAR

- Dec 14, 2025
- 2 min read
ni Leonida Sison @Boses | December 14, 2025

Hindi natin maiiwasan na sa bawat nalalapit na espesyal na araw, hindi lang saya at handaan ang dapat bantayan, dahil kasabay nito ang pag-usbong ng mga mapagsamantalang umaasang makalusot habang abala sa paghahanda ang lahat.
Sa panahon ngayon, ang pinakamapanganib na scam ay hindi na kailangang magpadala ng link. Isang tawag lang, puwede ka nang manawakan.
Habang papalapit ang holiday season, muling nagpaalala ang National Privacy Commission (NPC) sa publiko laban sa ‘vishing’ o ‘voice phishing’, isang uri ng panlilinlang na gumagamit ng tawag sa telepono upang makuha ang sensitibong impormasyon ng biktima.
Ayon kay NPC Deputy Commissioner Jose Belarmino III, kapansin-pansin ang pagdami ng mga kasong naiuulat sa kanilang tanggapan, lalo na tuwing abala ang mga tao sa paghahanda ng selebrasyon.
Iisa lamang ang estilo ng mga manloloko–madalas ay nagpapanggap silang empleyado ng bangko, opisina, o otoridad, at magbibigay ng kuwentong may halong takot, may naaksidente raw na kapamilya, may na-hack na account, o may problemang kailangang ayusin agad. Sa gitna ng takot, napipilitang maglabas ng impormasyon ang biktima nang hindi na nakakapag-isip.
Dito malinaw ang pagpapaalala ng NPC na huwag magpadala sa emosyon.
Ang unang depensa laban sa vishing ay ang pagiging kalmado at mapanuri. Walang lehitimong institusyon ang hihingi ng one-time password, detalye ng bangko, o personal na impormasyon sa pamamagitan ng tawag.
Kung may alinlangan, ihinto ang usapan at beripikahin ang sinasabi gamit ang opisyal na linya o tanggapan.
Hindi lang ang publiko ang dapat maghanda para rito. Pinayuhan din ng NPC ang mga personal information controllers, tulad ng mga kumpanya at establisimyento, na maging maingat sa pangongolekta ng personal contact details. Kung hindi kailangan, huwag kunin. Sa panahong laganap ang data breaches at scam, ang sobrang datos ay nagiging panlaban ng mga kriminal.
Ang babalang ito ay mahalaga–lalo na kung may bonus, magpapadala, o transaksyon man ‘yan, mas nagiging target ito ng mga kawatan.
Hindi kahinaan ang magduda, ito ay katalinuhan. Habang pinaghahandaan natin ang nalalapit na kapaskuhan, mas mahalaga ding maging maingat at magkaroon ng kamalayan sa mga taong mapagsamantala.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com








Comments