Publiko, ‘wag magpanik sa “super flu”, alamin muna ang katotohanan
- BULGAR

- Jan 13
- 2 min read
ni Leonida Sison @Boses | January 13, 2026

Nakababahala ang mabilis na pagkalat ng balita tungkol sa tinatawag na “super flu,” lalo na ngayong maraming Pinoy ang nakakaranas ng sintomas nito.Sa dami ng naranasan ng bansa mula pandemya hanggang seasonal outbreaks, natural lang na mag-alala ang publiko.
Ngunit ayon sa Department of Health (DOH), hanggang Disyembre, umabot lamang sa 63 ang naitalang kaso, at lahat ng pasyente ay gumaling; walang naiulat na nasawi.
Mas mahalaga ngayon ang wastong pag-unawa. Nilinaw ng DOH na ang “super flu” ay hindi bagong sakit—isa lamang itong variant ng Influenza A, o karaniwang trangkaso na matagal nang umiikot sa bansa. Wala rin itong kakaibang sintomas: ubo, sipon, lagnat, at pananakit ng katawan—mga karaniwang nararanasan ng taumbayan.
Dagdag pa ng DOH, sa ganitong panahon ng Enero, maraming sintomas ang hindi agad dapat ikabit sa flu. Ang pabago-bagong klima ay puwedeng magdulot ng iritasyon sa ilong at lalamunan. Ang simpleng sipon at sore throat ay hindi awtomatikong senyales ng malubhang sakit. May pagkakataon ding allergy lamang ang sanhi, lalo na kung may kasamang pangangati sa mata o balat, at walang lagnat. Umiikot din ang ibang virus na mild lamang at kusang nawawala.
Mahalaga rin ang pagsusuot ng face mask, lalo na sa matataong lugar at kung may sintomas. Hindi ito indikasyon ng panibagong krisis, kundi simpleng hakbang ng pag-iingat. Ang responsableng pag-iingat ay tanda ng malasakit sa sarili at kapwa, hindi dahilan ng takot.
Mas delikado ang maling impormasyon kaysa sa mismong sakit. Kapag pinairal ang panic, nawawala ang tiwala at nagiging magulo ang pagtugon ng komunidad. Ang kailangan ay tamang kaalaman, disiplina, at pakikinig sa eksperto.
Ang “super flu” ay paalala na hindi lahat ng sakit ay dapat katakutan. Ang tunay na laban ay hindi lamang kontra-virus kundi kontra takot at maling interpretasyon. Kung may sintomas, magpahinga at magpatingin; kung wala, manatiling maingat. Ang kalusugan ng bayan ay nagsisimula sa malinaw na pag-iisip at kolektibong pananagutan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com








Comments