Publiko, pairalin ang pang-unawa at disiplina sa bagong COVID-19 variant
- BULGAR

- Mar 30
- 2 min read
ni Leonida Sison @Boses | March 30, 2026

Kung tutuusin, hindi na bago sa pandinig ang balitang may panibagong COVID-19 variant, pero ang mas mahalagang tanong ngayon ay kung dapat pa ba itong katakutan o unawain na lamang bilang bahagi ng patuloy na pag-evolve ng virus.
Sa gitna ng pagod ng publiko sa pandemya, ang ganitong balita ay maaaring magdulot ng kaba, ngunit hindi lahat ng bagong variant ay dahilan para mag-panic.
Nilinaw ng Department of Health (DOH) na wala pang naitatalang kaso sa bansa ng tinatawag na “Cicada” variant o BA.3.2.
Ayon sa DOH, mas mababa na rin ang bilang ng COVID-19 cases ngayong taon kumpara sa nakaraan, indikasyon na mas kontrolado na ang sitwasyon. Ipinaliwanag din na hindi na kasingdalas ang genomic sequencing dahil hindi na itinuturing na Public Health Emergency of International Concern ang COVID-19.
Natukoy ang Cicada variant noong Nobyembre 2024 sa South Africa at kabilang ito sa Omicron lineage. Ayon sa World Health Organization (WHO), naitala na ito sa 23 bansa, ngunit wala pang ebidensiya na nagdudulot ito ng mas malalang sakit o nagpapahina sa bisa ng kasalukuyang gamot at bakuna.
Bagama’t may kakayahan itong umiwas sa ilang antibodies, hindi pa rin ito itinuturing na mas mapanganib kumpara sa ibang umiiral na variants. Sinang-ayunan naman ito ng Centers for Disease Control and Prevention (CDC), na nagsabing mahalaga pa rin ang patuloy na surveillance at pagsusuri.
Dagdag ng DOH, normal ang paglitaw ng mga bagong variant dahil likas ito sa virus. Hangga’t walang malinaw na babala mula sa mga global health authorities, hindi dapat magdulot ng labis na pangamba ang ganitong balita.
Sa halip, patuloy na pinapaalalahanan ang publiko na sundin ang basic health protocols at infection control measures.
Ipinapakita ng sitwasyong ito na unti-unti nang nagiging bahagi ng pang-araw-araw na realidad ang COVID-19—hindi na bilang isang krisis, kundi bilang isang sakit na kailangang bantayan at pamahalaan.
Habang ang ahensya ay nakatuon na rin sa iba pang health concerns tulad ng epekto ng matinding init at paghahanda sa posibleng energy-related health issues, malinaw na nagbabago na ang direksyon ng public health response.
Ang tunay na laban ay hindi lamang sa virus kundi sa tamang pag-unawa at disiplina ng bawat isa. Ang impormasyon, kapag ginamit nang tama, ay nagiging sandata laban sa takot.
At sa halip na mangamba, mas makabubuting manatiling alerto, responsable, at handa, dahil sa bagong yugto ng pandemya, ang kaalaman ang tunay na proteksyon ng taumbayan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments