Publiko, nananawagan na ilabas ang pangalan ng 26 cong-tractors
- BULGAR

- 13 hours ago
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | April 18, 2026

YEAR 2000 O PANAHON NG NOO'Y PRES. GMA NAG-UMPISA ANG RAKET DAW NI ZALDY CO SA FLOOD CONTROL PROJECTS – Batay sa impormasyong nakasaad sa Wikipedia, noong taong 2000, sa panahon ng administrasyon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, umano’y nagsimulang lumawak ang mga kontrata sa flood control projects na nakuha ng construction firm ni dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co na Sunwest Corporation.
Ayon sa mga ulat, kung mapapatunayan ang mga paratang na may kaugnayan sa kanya, mahalagang masuri ang buong saklaw ng mga proyektong naugnay sa kanya, hindi lamang ang mga isyung sumasaklaw sa taong 2023 hanggang 2025.
Nanawagan ang ilang sektor na kung magpapatuloy ang imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee sa pamumuno ni Sen. Lacson, dapat saklawin nito ang mas mahabang panahon mula 2000 hanggang 2025 upang matukoy kung may iregularidad sa mga flood control projects na naugnay sa kanya at kung may posibleng pinsalang nagawa sa pondo ng pamahalaan sa loob ng naturang panahon. Boom!
XXX
DAPAT IKANTA NA NI ZALDY CO LAHAT NG MGA KASABWAT NIYA SA FLOOD CONTROL SCAM PARA MABAWASAN GALIT SA KANYA NG TAUMBAYAN – Kapag naisalang si Zaldy Co sa Senate Blue Ribbon Committee, para mabawasan ang galit ng taumbayan sa kanya, inaasahan ng ilan na isiwalat na niya ang lahat ng mga umano’y kasabwat sa mga isyu ng flood control projects mula taong 2000 hanggang 2025.
Ayon sa ganitong pananaw, hindi lamang siya dapat managot kung mapatunayang may pagkakasala, kundi pati na rin ang iba umanong sangkot sa anumang iregularidad sa paggamit ng pondo ng bayan. Period!
XXX
26 CONG-TRACTORS, DAPAT HUBARAN NG MASKARA NI OMBUDSMAN BOYING REMULLA – Binigyang-linaw ni Deputy Ombudsman Mico Clavano na ang 26 na kongresistang iniimbestigahan ng Office of the Ombudsman ay tinaguriang “cong-tractors” o mga mambabatas na may kaugnayan umano sa mga kontraktor at sa kontrobersiya sa flood control projects.
Nanawagan ang ilang sektor na isapubliko ang pagkakakilanlan ng mga naturang kongresista upang malaman ng publiko kung sino-sino ang sangkot sa isyu. Boom!
XXX
KUNG HINDI HAHARAPIN NI VP SARA ANG KASO NIYANG IMPEACHMENT, BAKA ITO PA ANG IKATALO NIYA SA 2028 PRESIDENTIAL ELECTION – Matapos umanong hindi dumalo si Vice President Sara Duterte sa impeachment hearing ng House Justice Committee, nagsagawa ng survey ang OCTA Research.
Batay sa resulta, nasa 7 sa bawat 10 Pilipino ang nagsasabing mas mainam na harapin na ng Bise Presidente ang impeachment case na isinampa laban sa kanya sa Kamara.
Sa nakatakdang impeachment hearing sa Abril 22, 2026, inaasahan ng ilang sektor na personal siyang dadalo upang sagutin ang mga akusasyon. Period!




Comments