top of page

Publiko, hindi na basta-basta naniniwala sa mga survey firms

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 4 hours ago
  • 2 min read

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | May 6, 2026



Prangkahan ni Pablo Hernandez


TITO SEN, IKUKUDETA KAYA PARA MAHARANG ANG IMPEACHMENT NI VP SARA SA SENADO? – Ang sinabi ni Sen. Robin Padilla na haharangin ng minorya sa Senado ang impeachment kay Vice President Sara Duterte ay nagbukas ng usapin tungkol sa posibleng pagbabago sa liderato ng mataas na kapulungan.


Sa ganitong senaryo, para mapigilan o maantala ang impeachment proceedings, kinakailangan umano ang suporta ng mga senador na pabor kay VP Sara, kabilang na ang posibilidad na makapagtalaga ng Senate President na may ganitong pananaw.

Sa madaling sabi, kung magbabago ang balanse ng kapangyarihan sa Senado, maaaring maapektuhan din ang direksyon ng impeachment process. Boom!


XXX


FPRRD, PUPUWERSAHIN KAYA NG ICC PAHARAPIN SA TRIAL? – Sa mga pagdinig sa International Criminal Court (ICC) kaugnay ng kasong crimes against humanity, tumatanggi si dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte na humarap sa korte.

Ayon kay ICC spokesperson Oriane Maillet, kapag nagsimula na ang aktuwal na paglilitis, maaaring obligahin ng korte ang presensya ng akusado sa loob ng proseso ng trial.


Nagbubukas ito ng posibilidad na kung hindi boluntaryong haharap ang dating pangulo, maaari siyang ipatawag o ipasunod sa mga alituntunin ng korte para sa pagdalo sa paglilitis.


Para sa mga tagasuporta ni Duterte, kabilang ang mga Duterte Diehard Supporters (DDS), isang hindi kanais-nais na senaryo ito dahil nangangahulugan ito ng mas mahigpit na hakbang ng korte kung magpapatuloy ang kaso sa ICC. Tsk!


XXX


MGA SURVEY FIRMS, ‘DI NA GAANONG PINANINIWALAAN KASI NASIRA ANG KREDIBILIDAD NILA NOONG 2025 ELECTION – Ang mga naglalabasang presidential at senatorial surveys ngayon ay hindi na gaanong pinaniniwalaan ng publiko.

Nabawasan ang kredibilidad ng ilang survey firms matapos ang 2025 election, kung saan nagkaroon ng malaking pagkakaiba ang resulta ng ilang pre-election surveys at aktuwal na bilangan.


Ilang survey noon ang hindi nakapagtala sa top 12 ng mga senatorial candidates na sina Bam Aquino at Kiko Pangilinan, ngunit sa aktuwal na resulta ng halalan, pumangalawa si Bam at pumanglima si Kiko.


Dahil dito, marami ang naging mas mapanuri na ngayon sa mga lumalabas na survey results. Boom!


XXX


KIKITAIN NG ISANG GINANG SA FAKE NEWS NIYA LABAN SA MERALCO, SA PIYANSA LANG NIYA MALAMANG MAPUNTA, AT ANG MASAKLAP MAGKAKA-CRIMINAL RECORD PA SIYA – Isang ginang ang umano’y gumawa ng pekeng balita o fake news content sa Facebook upang pagkakitaan o ma-monetize ang kanyang post, na may kaugnayan sa umano’y pagtaas ng kanilang electric bill.


Sa kanyang post, sinabi niyang pinatungan umano ng Meralco ang kanilang bayarin sa kuryente, mula sa dating mahigit P700 ay umabot na raw sa mahigit P7,000 kada buwan, kahit ilaw at electric fan lamang ang kanilang gamit sa bahay.


Gayunman, natuklasan na hindi tumutugma ang mga resibong ipinakita niya, kaya’t

itinuring itong fake news. Ayon sa tagapagsalita ng Meralco na si Joe Zaldarriaga, maaari siyang maharap sa mga kaso tulad ng perjury, cyberlibel, at paglabag sa mga batas laban sa online harassment.


Dahil dito, posibleng hindi na makuha ng ginang ang inaasahan niyang kita mula sa Facebook monetization, at mapunta pa ito sa gastusin para sa piyansa. Maaari rin siyang makaranas ng mas mabigat na problema gaya ng pagkakaroon ng criminal record kung mapatunayang nagkasala. Saklap!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page