PSC: Nat'l Team, may Pamasko; Odette Victim Athletes, may 15k
ni MC / Gerard Arce - @Sports | December 22, 2021

Makatatanggap ang mga miyembro ng Philippine national team ng cash gift na tig-P10,000 mula sa Philippine Sports Commission (PSC), ayon sa ahensiya nitong Lunes.
Ang financial bonuses ng national athletes ay ipamimigay ngayong linggo. Inaprubahan nina PSC chairman William Ramirez at PSC commissioners Mon Fernandez, Celia Kiram, Charles Maxey at Arnold Agustin ang Christmas monetary gift sa huling board meeting sa kabila ng kakapusan sa resources ng sports agency. "Whatever hinders the income of our benefactors, hinders our cash flow too. However, the holidays will come nevertheless, and we wish for our athletes and coaches to be able to celebrate well with family too," ayon kay Ramirez. Ang national athletes ay makatatanggap ng Christmas bonus bukod sa kanilang monthly allowance.
Samantala, nag-organisa ang PSC ng mabilisang tulong sa mga apektadong miyembro ng pambansang koponan at maglalabas din ng pondo para kumpunihin ang Weightlifting gym na winasak ng bagyo.
Inaprubahan ng PSC board ang pagpapalabas ng P15,000 cash assistance para sa bawat isang 85 atleta at 20 coach mula sa 24 na sports na namonitor na naapektuhan ng bagyong Odette upang matulungan silang makabangon mula sa pinsalang dulot ng bagyo.
Sa tulong ng Special Services Office ng Armed Forces of the Philippines, na nangangasiwa din sa detalyadong serbisyo ng mga atleta-militar ng bansa, ay nakipagtulungan sa PSC upang masiguro na makakarating ang tulong.
Aprub din sa PSC ang pagpapalabas ng P50,000 pondo para makumpuni ang weightlifting gym sa Bohol na winasak ni Odette. “My heart breaks for them.
Napandemic na binagyo pa,” ani Ramirez sabay dagdag na ito ang panahon kung saan mas malakas ang tibok ng puso ng mga kampeon. “They are trained to overcome, to survive and to win. They might be sad for a while but the champions in them will prod them to rise up and help themselves and those around them so that together they can get through this,” hirit pa ng sports chief.





Comments