top of page
Search

ni Gerard Arce @Sports News | June 9, 2025



Photo: Sapul ng malakas na sipa sa mukha ni Islay Erika Bomogao si Nerea Rubio ng Spain sa first round ng laban nilang ito sa Thailand. (FB)


Bumira ng matinding kombinasyon si 'Team Bagsik' member Islay Erika Bomogao upang maagang pataubin ang Espanyol na katapat na si Nerea Rubio sa bisa ng first round TKO sa kanilang catchweight 103-pounds women's Muay Thai match sa ONE Friday Fights 111, Biyernes ng gabi sa Lumpinee Stadium sa Bangkok, Thailand.


Masusing pinag-aralan at ginampanan ng miyembro ng Philippine Muay Thai team ang katapat upang maitarak ang ikatlong sunod na panalo sa muling pagbabalik ng mga upakan sa Thailand matapos makansela ang  unang paghaharap dulot ng lindol doon.


Muling nagpasikat ang 2021 SEA Games  gold medalist ng impresibong panalo nang tapusin ang Spanish fighter sa 1:05 ng first round dulot ng malupit na body shot.


Maagang bumitaw ng malulutong na upak ang 24-anyos na Igorota fighter mula Baguio City na sinundan ng pagtuhod sa sikmura, subalit natigil matapos silang matumba.

Ginulantang ni Bomogao ng isang matinding front kick sa mukha ang Espanyola at sinundan ng malupit na kanang straight sa tagiliran at left kick sa katawan na senyales ng pagtupi mula sa tinamong suntok.


Nagawang bilangan ni referee Watcharaphorn “Pao Fan” Pachumchai ang napaupong si Rubio, subalit hindi na nagawa pang bumangon upang tuluyang itigil ang laban na nagresulta sa first round stoppage upang lumapit sa kanyang inaasam na kontrata sa ONE Championship.


It feels fantastic. I trained for so long for this, all my hard work paid off,” pahayag ni Bomogao sa post-fight interview. “Definitely the body shot, was something that me and my team have been really working on and honestly I didn’t really expecting that fast, but I’m really thankful It did,” dagdag ng Pinay fighter na tatanggap rin ng bonus na 350,000 Thai baht o halos P600,000 sa Philippine peso.

 
 

ni Gerard Arce @Sports News | May 28, 2025



Photo: Limang gold medals ang nakuha ni Arman Hernandez Jr ng NCR sa gymnastics habang naka-gold din sa 200m Freestyle secondary girls swimming ng NCR si Sophia Rose Garra sa Palarong Pambansa 2025 na idinaos sa FERMIN sa Ilocos Norte. (Mga kuha ni Reymundo Nillama)


Sa murang edad ay nagpakitang-husay si National Capitol region gymnast Arman Hernandez Jr. dahil sa laki ng paghanga at inspirasyon kay 2024 Paris Olympics double gold medalist Carlos Edriel “Caloy” Yulo.


Naengganyo ang bata na mag-gymnast nang minsang masilayan ang 2-time World champion na si Yulo. “Bigla na lang niyang sinabi sa amin na gusto niyang mag-gymnastics. Actually, wala naman sa pamilya namin 'yung maging athlete, siya lang,” pahayag ng inang si Evangeline nang makapanayam kahapon sa Ilocos Norte National High School, kung saan ginanap ang men’s at women’s elementary at secondary event.


Ang batang gymnast mula Pasay City ay kumuha ng korona sa Cluster 1 Individual All-Around, Floor Exercise, Vault table, Horizontal Bar at Cluster 2 Team Championship kasama ang magkapatid na Kizz at Deen Gungob sa event na inorganisa ng Department of Education at Philippine Sports Commission (PSC), na tatagal hanggang sa Mayo 31.


Nakuha ni Hernandez ang unang ginto sa All-Around (36.600) na sinundan ni King Gangat ng Region 1 sa 35.200 at Sage Llanes ng Region 5 sa 33.325. Tumambling naman ito sa 9.200 sa Floor Exercise, 9.300 sa Vault, at 9.300 sa Horizontal Bar, habang walastik ang performance kasama ang Gungob Brothers sa 115.500. Bronze din si Hernandez sa Pommel Horse sa 8.800 sa likod nina King Gangat ng Region 1 sa 9.000 at Kent Jamero ng Region 10 sa 8.950. “Nakita ko lang po sa Facebook si kuya Caloy kaya po ako sumali,” sambit ng mag-aaral mula Don Carlos Village Elementary School.


Naka-2 ginto rin si Melchor Bataican ng Region VI sa Elementary boys Arnis sa Individual Likha Anyo Double Weapon at Individual Likha Espada Y Daga. May tig-2 gold din sina Jemaicah Mendoza ng Region IV-A sa secondary girls Blitz-Individual at Team.


Mayroon ring double golds sina King Cjay Pernia ng NCR sa secondary boys Individual All-Around at Team; John Paul Soriano ng NCR sa Poomsae Individual Standard at Team; sina Zion Ysabelle Buenviaje at Chezka Nicollete Luzadas ng CAR sa elementary at secondary girls Poomsae -Team at Freestyle Individual at Mixed Pair at Team.  



SIA AT GARRA, MAY TIG-3 GINTO SA SWIMMING, SUMIRA NG RECORD  


LAOAG CITY - Mga bagong rekord ang itinala sa athletics at swimming sa 2nd day ng 65th Palarong Pambansa sa Ferdinand E. Marcos Memorial Stadium sa Ilocos Norte.

May tig-3 golds sina Titus Rafael Sia at Sophia Rose Garra ng NCR, habang may bagong Palaro record sa grassroots program na tatagal hanggang sa Mayo 31. Nakamit ng 12-anyos swimmer ang unang gold sa boys 200-meter freestyle (2:07.86) para sirain ang record meet ni Rafael Barreto ng Central Luzon noong 2013 sa 2:08.12. 


Bagong gold si Sia sa Boys 100-meter Backstroke sa 1:05.44 na sumira muli ng dating rekord meet ni Martin Isaac Seth ng NCR noong 2015. Nakipagtulungan  ang last season bronze medal winner kina Reighlem Scziyo Salon, Mackenzie at Joshua Erik Chua upang makuha ang 4x50 meter medley relay sa oras na 2:06.83 tungo sa ikatlong gold.


Lumista rin ang 13-anyos na si Garra ng record sa 100-meter Backstroke (1:07.61) para wasakin ang sariling record noong 2024  (1:08.50) sa Cebu City. 


Napagwagian  ang unang gold sa 200-meter freestyle (2:17.62). Hinigitan nila ang grupo nina Sophia Obrense, Yanah Banta, Rica Ansale ar Anva Dela Cruz ng Region IV-A sa 2:16.60 na may silver at sina Kenzie Bengson, Maddaleign Alindogan, Reese Victoria at Pia Angeli Maines ng Region 5 sa 2:18.92.


Ang pambato naman ng Central Visayas na si Jhul Ian Canalita ay lumista ng (15:16.31)  sa secondary boys 5000-meters para malampasan ang 27-taong rekord ni Cresencio Cabal ng Southern Mindanao na 15:38.4 noong 1998 Bacolod meet.


Binura ni Mico Villaran ng Western Visayas ang 15-taong lista sa secondary boys 110-meter hurdles upang sirain ang record ni Patrick Unso ng NCR na 14.68 noong 2010 Manila Palaro. Inihagis  ni Josh Gabriel Salcedo ng Western Visayas ang 45.52-meters na distansiya tungo sa gold medal sa secondary boys Discus Throw.


 
 

ni Gerard Arce @Sports News | May 25, 2025



Photo: Palarong Pambansa - RTVM


Laoag City – Simbulo ng kadakilaan at pagkakaisa ang naging sentro ng atensyon sa Opening Ceremony ng 65th Palarong Pambansa na pinangunahan ni Pangulong Ferdinand “Bong Bong” Marcos, habang naging parte rin ng pagdiriwang ang kauna-unahang Pinay Olympic gold medalist Hidilyn Diaz-Naranjo kagabi sa Marcos Memorial Stadium (FEMMS) dito.


Nagpahayag ng kanyang makahulugang mensahe si PBBM bilang pormal na pagbubukas ng mga na naglalayong makabuo ng malawak na kahusayan sa sports ang mga kabataan. Pinamunuan ni Diaz-Naranjo ang Oath of Coaches at Technical Officials, bilang unang Technical Director ng demonstration sports na weightlifting. Ang baseball prodigy na si Gerick Jhon Flores, record-holder sa 11th BFA U12 Asian Baseball Championship ay maghahatid ng Athlete’s Oath.


Dumaan sa kahabaan ng Rizal Street at Sirib Mile sa Laoag City ang Parada ng may 15,000 atleta mula sa 17 rehiyon ng bansa  kasabay ang masaya at nagsisiglahang drum and lyre corps kasama ang mga student cheer squads.


Ang host na Region 1 kasama ang National Sports Academy (NAS), Philippine School Overseas, Bangsamoro, Region IV-B, Region II (Cagayan Valley), Cordillera Administrative Region, Region XIII (Caraga), Region IX (Zamboanga Peninsula), Region V (Bicol), Region X (Northern Mindanao), Region XII (Soccsksargen), Region VIII (Eastern Visayas), Region III (Central Luzon), Region VII (Central Visayas), Region XI (Davao Region), Region VI (Western Visayas), Region IV-A (Calabarzon) at ang dalawang dekada ng kampeon na National Capital Region.


 Binuksan din ang simbolikong sulo ng Palarong Pambansa nina dating Palaro athletes SEA Games, at Paralympians na sina Jemmuelle James Espiritu (Archery), Mark Anthony Domingo (Athletics), Jesson Cid (Decathlon), Roger Tapia (Para-athletics), at Eric Ang (Trap Shooting).


 
 
RECOMMENDED
bottom of page